Home OPINION BAKIT SI BOYING?

BAKIT SI BOYING?

371
0

SA rami ng pwedeng mailuklok o mga naghain ng aplikasyon para maging bagong Ombudsman, kapalit ng nagretirong si Samuel Martires, bakit si Jesus Crispin “Boying” Remulla ang pinili ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.?

Sabi ng iilan, wala namang dudang mahusay si Remulla. Maraming naniniwala na magagampanan ni Boying ang kanyang bagong trabaho sa Ombudsman.

Para sa administrasyong Marcos, si Remulla ang “swak” na Ombudsman sa susunod na pitong taon.

Nakita n’yo naman siguro kung ano ang mga naging “performance” ni Boying sa Department of Justice na labis na “pinakakinabangan” ni PBBM.

Halimbawa na lang ang naging papel ni Remulla sa pagdakip kay dating Pangulong Digong Duterte para maisuko sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands. Nawala ang “panunahing tinik sa lalamunan” ni Bongbong.

Masunuring “sundalo” para kay PBBM si Boying at “binubwenas” si Dayunyor kapag nawala na siya sa poder sa 2028.

Tiyak na “babahain” ng kaso si PBBM ngunit dahil si Remulla na ang Ombudsman, maisasantabi lang ang lahat nang ito. Jackpot!

Bukod diyan, alam n’yo bang sina Remulla at dating House Speaker Martin “Trilyones” Romualdez ay “brad” sa isang fraternity? Hindi lang “kuya” kundi “tatay” ang turing ni Martin kay Boying. Matibay ang samahan, hindi ba?

Kaya hindi na dapat magtaka si Sen. Imee Marcos kung bakit si Boying ang inilagay ng kanyang utol na si Bonget sa Ombudsman.

Huwag mag-alala si Imee dahil ako’y naniniwala na hindi “tatrabahuhin” ni Boying si VP Sara para mabaon sa Ombudsman.

Kahit naman papaano kasi, mag-iisip si Boying kung gagawa ng hakbang laban kay VP Sara para na rin sa kanyang karera at pampulitikang interes ng kanyang angkan sa Cavite.

Kapag si VP Sara ang naluklok sa 2028, siguradong yari na ang mga Remulla. Hindi ito “itataya” o ilalagay sa balag ng alanganin ni Boying.

Nalagay sa Ombudsman si Boying hindi upang “targetin” si VP Sara. Ang misyon niya ay “protektahan” ang mga Marcos, gayundin si Romualdez sa patong-patong na asunto sa mga hinaharap.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here