MANILA, Philippines – Magkakaroon ng programa ang Department of Health (DOH) at Department of Education para sa mga batang mag-aaral sa pampublikong paaralan sa buong bansa kontra sa mga nakamamatay na sakit.
Kaugnay nito, ang mga magulang ay hinihikayat ng lokal na pamahalaan ng Maynila na samantalahin ang pagkakataon sa gagawing Bakuna Eskwela 2024 program upang mapabakunahan ang kanilang mga anak.
Sisimulan ito sa darating na Oktubre 7 na gaganapin sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Partikular na tuturukan ng bakuna ang mga Grade 1 at Grade 7 kasama ang mga Grade 4 na batang babae.
Layunin nito na protektahan ang mga kabataan laban sa mga sakit na maaaring iwasan sa pamamagitan ng bakuna tulad ng Measles, Rubella, Tetanus, Diphtheria, at Human Papilloma Virus (HPV).
Sinisiguro naman ng DOH at ng lokal na pamahalaan ng Maynila na ligtas, epektibo, at libre ang mga bakuna. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)