MANILA, Philippines – Nagpadala ng apat na radio challenge ang isang barko ng Philippine Navy sa isang Chinese warship na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas habang nagpapatrulya sa West Philippine Sea.
Ayon sa ulat, ang BRP Diego Silang (FFG-7) ay nakipag-ugnayan sa isang warship ng People’s Liberation Army (PLA) Navy na may bow number 555.
Natagpuan ang Chinese warship mga 30 nautical miles southwest ng Palauig, Zambales. Ang EEZ ng Pilipinas ay umaabot hanggang 200 nautical miles mula sa archipelagic baselines nito.
“…This is Philippine Navy Warship 7, in accordance with international and Philippine national laws, you are within Philippine Exclusive Economic Zone over which Philippines has sovereignty. Your actions are illegal and will be reported and will prejudice our countries’ relations,” ayon sa radio message ng isang sundalo ng BRP Diego Silang
Bukod sa PLA Navy ship, nakita rin ng mga awtoridad ang isang China Coast Guard vessel sa lugar.
Noong Hunyo 10, nagsampa rin ng diplomatikong protesta ang Pilipinas kaugnay ng isang floating platform na umano’y inilagay ng China sa Bajo de Masinloc.
Matatandaang noong 2016, pinaboran ng international arbitration tribunal sa The Hague ang Pilipinas at sinabing walang legal na basehan ang malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea, ngunit hindi ito kinikilala ng China. RNT/MND