Home NATIONWIDE Bakuna vs African Swine Fever inendorso ng BAI

Bakuna vs African Swine Fever inendorso ng BAI

MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Bureau of Animal Industry sa Food and Drug Administration (FDA) ang Vietnam-manufactured Avac vaccine laban sa African Swine Fever.

Sa press conference nitong Biyernes, Hunyo 2, sinabi ni BAI Assistant Director Dr. Arlyn Asteria Vytiaco na nagpasa na sila ng letter of recommendation para aprubahan ng FDA, matapos na mapatunayan ang safety at efficacy ng naturang bakuna sa isinagawang clinical trials sa anim na farm sa Luzon.

Ayon sa BAI, pinakita sa clinical trials ang increased level ng antibodies laban sa ASF sa lahat ng sample na ginamit sa trial.

Kailangan ng Avac ng certificate of product registration bago ito payagang makapasok bilang import.

“Napakalaking tulong ng bakuna na to sa pagcontrol ng ASF kasi alam natin na patuloy ang pagkalat, maraming swine stakeholder ang naghihintay nito,” aniya.

Sa oras na maaprubahan, mag-iimport na ang BAI ng nasa 600,000 doses mula sa vaccine manufacturer sa Vietnam.

Ang “Avac” vaccine ay isang single-shot vaccine para sa mga baboy edad apat hanggang 10 linggo.

Inaasahan naman na ilalabas ang panuntunan sa rollout ng bakuna matapos na mag-isyu ng Certificate of Product Registration ang FDA.

Ani Vytiaco, hindi ito magiging mandatory ngunit hihimukin ang mga hog raisers na kumuha nito sa oras na maging commercially available na ang bakuna.

Ilalabas din ang pricing details ngunit siniguro ng Department of Agriculture na magiging abot-kaya ito maging sa maliliit na backyard raisers.

“Titiyakin namin na affordable ito sa mga magbababoy,” sinabi ni DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez.

Samantala, susuriin din ng FDA ang vaccine efficacy nito.

“The FDA just received the application this morning and shall be subjected to pre-assessment. If acceptable, the FDA shall facilitate the evaluation of the submitted dossier to determine the quality, safety and efficacy of the ASF vaccine,” sinabi ni Atty. Job Aguzar, FDA Spokesperson.

Ayon sa datos ng pamahalaan, 15 probinsya sa bansa ang may aktibo pa ring kaso ng ASF. RNT/JGC

Previous articleWanted na Taiwanese national, arestado ng BI
Next articleTravel agency sa QC kinandado sa illegal recruitment