Home HOME BANNER STORY Travel agency sa QC kinandado sa illegal recruitment

Travel agency sa QC kinandado sa illegal recruitment

MANILA, Philippines – IKINANDADO ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang travel consultancy agency sa Pasong Tamo, Quezon city dahil sa umanoy ilegal na pagre-recruit ng mga magtatrabaho sa Malta at Poland.

Pinangunahan mismo ni Migrant Workers Secretary Susan Ople ang operasyon at pagpapasara laban sa OVM Visa Assistance and Travel Consultancy nang walang maibigay na lisensiya sa kanilang operasyon.

Ayon kay Ople, base sa kanilang mga datos, hindi accredited ang OVM Visa Assistance and Travel Consultancy na licensed recruitment agency.

Inihayag pa ng kalihim na permanente ang gagawin nilang pagpapasara dito.

Aniya, isang “Denise” ang naghain ng reklamo laban sa kompanya, dahilan para magsagawa sila ng surveillance operations laban sa travel agency.

Lumabas sa imbestigasyon na obligado ang isang jobseeker na magpasa ng kanilang pasaporte at biodata, at magbayad ng hanggang P420,000 na processing fee.

Ang mga aplikante ay kailangang magbayad na ng downpayment na P60,000 kasabay ng pagpasa ng dokumento.

Sa oras na mailabas na ang work permit, obligado rin na magbayad ng karagdagang P100,000, habang ang balanse ay dapat na bayaran ng installment hanggang sa mabuo na ang bayad.

Aabisuhan naman ang naghahanap ng trabaho na maghintay ng anim hanggang pitong buwan bago ipadala sa ibang bansa.

Ayon kay Ople, kakasuhan na nila ang may-ari ng travel agency maging ang mga empleyado nito.

Irerekomenda na rin ng DMW ang kanselasyon sa kanilang business permit at registration.

Samantala, nagpaalala si Ople sa mga OFW na mag-apply lamang sa mga lehitimong recruitment agency.

“To the public, please report to the DMW any travel or consultancy agency recruiting workers for abroad. These are clear violations of the anti-illegal recruitment law,” aniya. Jan Sinocruz/Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBakuna vs African Swine Fever inendorso ng BAI
Next article30-day suspension ng QC Legal Department sa kapitan ng barangay, ‘di tinanggap