MANILA, Philippines – Target ng pamahalaan na magtayo ng airbase at naval station sa Balabac, Palawan, sinabi ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro nitong Sabado, Hunyo 7.
Sa panayam, sinabi ni Teodoro na kabilang sa konstruksyon ay ang joint-use runway para sa Philippine Air Force (PAF) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
“Mag-iinspeksiyon tayo, dahil ang runway ay ang CAAP. Titingin tayo ng lugar kung saan talaga puwede na maglagay ng airbase at ng naval base,” ani Teodoro.
“Ang report sa akin ay ‘yung Air Force side at ‘yung naval side ay magkatabi. ‘Yun nga lang, may lupain na kailangan kunin para buo ‘yung lugar, isahan na lang,” dagdag pa niya.
Ani Teodoro, nagsisilbing strategic location ang Balabac sa bansa kung saan karaniwang dumadaan ang mga dayuhang barko kabilang ang China.
Ito rin ang isa sa pinakamalaking isla sa timog-kanluran ng Pilipinas kung saan nagsasalubong ang South China Sea at Sulu Sea merge.
“Minsan dumadaan talaga rito ang Chinese vessels. At ito kapag hindi nadama or hindi nagkaroon ng presence, napakadali na abusuhin ng foreign influence and other inappropriate and illegal activities,” sinabi pa ni Teodoro.
Anang opisyal, ang konstruksyon ng naval station ay “as soon as possible, depending on the funding.”
Target din ng Western Command (WESCOM) at PAF na magtayo ng health center sa munisipalidad para sa pangangailangan ng mga residente.
Nitong Biyernes, idinaos ng pamahalaan ang
“All-in-One Bayanihan” community outreach activity sa Balabac.
Nagbigay ng serbisyo ang pinagsanib na pwersa ng Go Share Philippines, Balabac local government unit, Balabac District Hospital, at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kabilang sa ipinamahagi ay ang mga school supply, food packs, water filter, at wheelchair. RNT/JGC