Home NATIONWIDE Balanga housing units matitirhan na ng 216 pamilya

Balanga housing units matitirhan na ng 216 pamilya

MANILA, Philippines- Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pag-turn over ng housing units sa 216 informal settler families sa Balanga, Bataan na naapektuhan ng cleanup at relocation operations sa hazard-prone areas.

Dating nakatira ang relocated settlers sa kahabaan ng Talisay River.

Tampok sa Balanga City Low-Rise Housing Project ng National Housing Authority (NHA), matatagpuan sa Barangay Tenejero, ang anim na condominium-style buildings.

May sukat ang bawat unit na 27 square meters, at mayroong dalawang bedrooms, isang kitchen, toilet, bath, at fully operational water at power supplies.

Sa naging talumpati ng Pangulo, sinabi niyang ang proyekto ay bahagi ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) program ng gobyerno, naglalayong tugunan ang anim na milyong housing backlog sa 2028.

“Sa loob ng maraming taon, humarap kayo sa peligrong dala ng pagtira sa tabi ng ilog. Kaya narito tayo upang bigyan ng lunas ang kanilang suliranin,” ayon sa Pangulo sa kanyang naging talumpati.

“Kayo ngayon ay maninirahan sa sariling bahay na ligtas, de-kalidad, at komportable. Ngayon pa lamang po ay binabati ko na ang ating mga benepisyaryo ng congratulation sa pagsisimula ng panibagong yugto ng inyong buhay,” dagdag na wika nito.

Tiniyak naman ng Punong Ehekutibo na nananatiling committed ang gobyerno na magtayo ng mas ligtas, de-kalidad at komportableng housing units.

Samantala, plano naman ng NHA na magtayo ng basic facilities sa housing community, gaya ng four-story school building na may 20 silid-aralan, isang multi-purpose building, at isang covered basketball court.

May isang community center building ang naitayo na rin sa loob ng housing project upang matiyak na ang mga benepisaryo ay magkakaroon ng ‘access’ sa mga pangunahing bilihin, educational facilities at iba pang pangangailangan ng komunidad.

Mayroon itong health center, daycare center, barangay learning hub, mga tanggapan ng homeowners’ association at local government unit housing satellite office. Kris Jose