Home METRO QC LGU bumili ng bakuna vs pertussis

QC LGU bumili ng bakuna vs pertussis

MANILA, Philippines- Bumili ang Quezon City government ng humigit-kumulang P13 milyong halaga ng mga bakuna at antibiotic para sa paggamot ng mga kaso ng pertussis, inihayag ni Mayor Joy Belmonte noong Martes.

Sinabi ni Belmonte na ang pamahalaang lungsod ay bumili ng higit sa 3,500 vials ng 6-in-1 na bakuna, 1,012 bote ng Azithromycin, at 1,000 bote ng Clarithromycin. Ang mga bakuna ay ibibigay sa mga batang 6 na linggong gulang pataas na hindi pa nakatatanggap ng bakuna para sa pertussis.

“Inaprubahan namin ang pagbili ng mga kinakailangang bakuna at antibiotics upang agad naming maibigay ang kinakailangang medikal na atensyon sa mga kasalukuyang kaso at maprotektahan ang aming QCitizens mula sa karagdagang pagkalat. Kami ay nagpaplano na bumili ng higit pa kung kinakailangan, dahil ang pambansang pamahalaan ay may limitadong supply ng mga bakuna,” sabi ni Belmonte.

Kaugnay nito, bukod sa pertussis, sinabi ni Belmonte na ang 6-in-1 na bakuna ay nagbibigay ng proteksyon sa mga bata laban sa Diphtheria, Tetanus, Polio, Haemophilus Influenzae, at Hepatitis B. Ang Azithromycin at Clarithromycin ay mga antibiotic na inireseta para sa mga pasyenteng positibo sa pertussis.

”Pagdating na pagdating ng mga binili nating bakuna at gamot, agad natin itong ipinadala sa ating mga health center, lalo na sa mga lugar na mataas ang bilang ng Pertussis,” sinabi ng alkalde.

Magugunitang noong Abril 5, iniulat ng Epidemiology and Disease Surveillance Division ang 41 kaso ng Pertussis sa Quezon City, kabilang ang anim na namatay.

Idinagdag nito na 60 porsyento o 21 kaso ng pertussis ay mga sanggol na wala pang 6 buwang gulang habang na may edad na mula 22 araw hanggang 13 taong gulang, na may median na edad na 3 buwan.

Nauna nang idineklara ng lokal na pamahalaan ang pertussis outbreak, na nagbibigay-daan dito na mapakilos ang mga ari-arian at mapagkukunan nito upang pigilan ang pagkalat ng nakakahawang sakit, na kilala rin bilang whooping cough.

Ito ay sanhi ng bacterium na Bordetella pertussis at maaaring maipasa sa pamamagitan ng respiratory droplets o pagkakalantad sa airborne droplets at sa mga nahawaan o kontaminadong damit, kagamitan, kasangkapan, at iba pa. Santi Celario