MANILA, Philippines- Magkakaroon ng bagong tungkulin ang limang ranking police officials sa pinakabagong balasahan sa Philippine National Police (PNP) epektibo ngayong Mayo 6.
Ayon sa kautusan ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na may petsang Mayo 4, si Police Regional Office-Caraga Director Brig. Gen. Eleazar Mata ang magiging direktor ng Drug Enforcement Group.
Papalitan ni Mata si Brig. Gen. Dionisio Bartolome, na ililipat sa Personnel Holding and Accounting Unit, Directorate for Personnel and Records Management.
Si Directorate for Police Community Relations chief Maj. Gen. Edgar Alan Okubo naman ang magiging bagong direktor ng Civil Security Group habang itatalaga si Maritime Group Director Brig. Gen. Romaldo Bayting bilang Area Police Commander (APC) Western Mindanao.
Papalitan ni Philippine National Police Academy Director Brig. Gen. Jonathan Cabal si Bayting.
Samantala, naupo si Maj. Gen. Leo Francisco bilang 48th director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa turnover ceremony sa Camp Crame, Quezon City nitong Biyernes.
Si Francisco ang humalili kay Maj. Gen Romeo Caramat Jr. na magiging Acting APC ng Northern Luzon. Kinakailangan ito upang umakyat si Caramat sa ranggong lieutenant general.
“Sa ating mga kapulisan, I urge you to always respect the law and value human life. Let us professionalize our beloved PNP dahil ang gusto ng pulis, ligtas ka,” pahayag ni Marbil. RNT/SA