Home OPINION BALASAHAN, SIRAAN ASAHAN

BALASAHAN, SIRAAN ASAHAN

203
0

PINABULAANAN ni Executive Secretary Ralph Recto ang umugong na usap-usapan patungkol sa muling balasahan sa hanay ng mga opisyal ng administrasyong Marcos Jr.

Hindi na bago ang ganitong pahayag mula sa Malakanyang. Ilang beses nang kuryente ang inabot ng taumbayan dahil sa estilong ‘hindi totoo ngayon, totoo bukas’ pagkatapos ay madalas hihintayin na lang na malimutan ang ginawang kasinungalingan nung naghayag.

Ang ganitong galawan ay malinaw na palatandaan na hanggang sa ngayon ay magulo pa rin ang ‘tabakuhan’ ng administrasyong Marcos Jr. kaya pabago-bago, pabalik-balik at paulit-ulit ang mga anunsiyo o pahayag patungkol sa mga isyu ng lipunan.

Kung totoo man ang pahayag na ito ni Recto ay pihadong hindi ito magtatagal. Kung wala man maganap na balasahan sa mga susunod na mga araw o linggo ay tiyak na mayroon magaganap na balasahan sa mga susunod na buwan.

Pero hindi lang balasahan ang magaganap sa loob ng administrasyong Marcos Jr.! Natitiyak ng marami lalo marahil ng mga nasa oposisyon na kabilang dito ang gibaan o siraan mismo ng mga kakampi ng Pangulo para makasungkit o manatili sa kanilang ‘bukirin’.

Tandaan natin na malapit nang matapos ang isang taon makalipas ang naganap na Halalan 2025 na ikinasawi este… ikinatalo ng marami sa kaalyado ng Pangulo tulad na lamang yung magaling na abogado mula sa Mandaluyong City.

Siyempre, alangan naman! Tiyak na susungkit ng posisyon o trono ang mga ito sa maraming bukirin na nasasakupan ng Pangulo. At tiyak na alam ito ng mga kasalukuyang nakaupo lalo noong mga ‘Acting’ o ‘Officer-In-Charge’ ang kanilang kalagayan.

Kung maaari siguro ay hilahin ng mga talunan noong Halalan 2025 ang mga araw upang makabalik na sa poder ng kapangyarihan bago pa man matapos ang kaharian ng administrasyong Marcos Jr. sa nalalapit nang ika-30 ng Hunyo 2028 eksaktong alas-dose ng tanghali.

Subalit ika nga sa wikang Ingles ay ‘I will not take this sitting down’ kaya marapat lamang na ihanda ang katawan ng mga gustong magbalik dahil tiyak na gagawa ng paraan ang mga kasalukuyang nasa poder upang pigilan itong mangyari – dito na ang gibaan at siraan, sila-sila mismo ang mga bida!

Masdan ninyo, taumbayan. Marami sa hanay ng mga opisyal ni Marcos Jr. ang hanggang sa ngayon ay ‘Acting’ o ‘OIC’. Kahit [yata] ang makapangyarihan na Commission on Appointments (CA) ay hindi kumikilos upang ang mga ‘Acting’ ay maging permanente na sa kanilang bukirin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here