
KAHAPON,nagsimula na ang “Brigada Eskwela 2025” kung saan mismong si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos ang nagpasimula at kaagad niyang sinabing “Maligayang Pagbabalik sa Paaralan! Mga bata, mag-aral na mabuti.”
O, di ba maganda ang bati na may kasamang pangaral o paalala ni Pangulong Marcos sa mga mag-aaral mula sa Bulacan kung saan nakasama niya ang mga guro, non-teaching personnel, mga magulang at volunteers upang maisaayos at mapalakas ang pampublikong edukasyon.
Siniyasat na mabuti ng Pangulo ang mga silid-aralan na sumasailalim sa pagkukumpuni—sinusuri ang mga kisame, bintana, at pinto upang matiyak na babalik ang mga estudyante sa sa maayos at nagagamit na mga lugar sa pag-aaral.
At dito, hindi naiwasan ni Presidente Bongbong ang patuloy na pamumuhunan para sa imprastraktura ng mga paaralang madalas na sumasalag sa bagsik ng mga kalamidad.
Marami tuloy ang nagtatanong kung ang mga gastos naman sa pagpapagawa ng mga paaralan ay napupulitika ba? May kinalaman ba ang mga opisyal ng pamahalaan sa gastusin dito.
Pinagtutulungan ang mga gastusin sa mga pampublikong paaralan sapagkat kapwa may badyet dapat diyan ang lokal at nasyonal na pamahalaan lalo na ang Department of Education at Department of Public Works and Highways.
Pero tulad nga nga sabi ng marami, napupulitika talaga ang Brigada Eskwela bagaman isa itong uri ng bayanihan ng mga guro, mga magulang at iba pang indibidwal sapagkat may mga pumapapel na politiko na inaangkin lahat ang kredito bagaman ang pera ay galing sa kaban ng bayan na galing naman sa buwis ng mamamayan.
Mabuti na lang, nauna ang halalan kaysa sa pasukan sa eskwela dahil kung hindi, tiyak na pabida na naman ang marami at pipiliting ipasok ang pulitika.
Andyang ilang politiko ang walang sawang magpa-cover sa media para sa exposure nila kaugnay sa kanilang pakikiisa (kuno) sa BE pero ang totoo ilang indibidwal at maging mga guro at volunteer naman ang totoong kumilos. Iyong iba nga, sila pa ang gumastos at itong mga pabida eh hindi man lang bumunot para pangmeryenda.
O di ba? Pawisan ang mga totoong nagbayanihan, itong mga politiko hanggang posting lang sa social media ang pinagagana.