Home OPINION SOCIAL MEDIA DAPAT PANIG SA KATOTOHANAN

SOCIAL MEDIA DAPAT PANIG SA KATOTOHANAN

ANG inilahad ni Defense Secretary Gilbert Teodoro sa Shangri-La Dialogue kamakailan ay kumalat hanggang sa labas ng Singapore at sa claimant parties sa South China Sea, inilalantad ang pangha-hijack ng China ng impormasyon sa paraang eksperto ito: bilang propaganda machine.

Napanonood ko pa rin ang kanyang video clips, nagkalat sa TikTok, sa parteng ibinuking niya ang war tactic ng Beijing sa paraang nagkukunwaring diplomatiko. Aaminin ko, gigil pa rin ako sa katotohanang bagamat pawang defense chiefs ang dumalo at nagpalitan ng pahayag sa dayalogo — walang katulad na opisyal na ipinadala ang China, walang katapat si Teodoro, pawang mabababang opisyal lamang at mga tumatayong tagapagsalita ng “Ministry of State Security ” na nagkunwaring media.

Hindi sila dumalo para makinig. Naroon sila para mang-asar — gumawa ng eksena gamit ang mga mapanlinlang na tanong, umaasang mapapahamak ang delegasyon ng Pilipinas sa sarili nilang katotohanan.

Sa swerte naman, hindi nagpatinag si Teodoro, diretsahan silang binara at ipinamukha sa kanila ang katotohanan: na China lang ang nag-iisang bansa na iligal na inaangkin ang mahigit sa 80% ng South China Sea; na ayaw nitong tanggapin ang lehitimong 2016 arbitral ruling; na tinatakot nito ang mga mangingisdang Pilipino sa sarili nating karagatan, ginagamitan ng water cannon ang mga research vessel; at ginawang kampo militar ang mga bahurang hindi naman nito pag-aari.

Ngayong napakaraming nagbabahagi ng video clips ng kanyang pambabara sa China, namulat ang netizens sa iba’t ibang panig ng mundo na maging matalino sa pagtukoy sa propaganda machine ng Beijing sa ipinakakalat nito sa social media feeds, may pagtatangkang baguhin ang maritime claims, guluhin ang kasaysayan, at impluwensiyahan ang ating pangkalahatang katwiran.

Dito sa Pilipinas, alam na alam na ng mga Pilipino ang tungkol dito at napakainam na isinusulong ngayon ng mga kasapi ng Kongreso ang panukala na ituturing na krimen ang sadyang pagpapakalat ng mga maling impormasyon, lalo na iyong ginagamit upang isabotahe ang ating pambansang interes.

Napakatagal nang ipinagkukunwaring “balita” ang mga kasinungalingan ng propaganda machine ng China at malaya itong ipinakalat ng mga trolls gamit ang mga pekeng social media pages.

Gaya ng Pilipinas, dapat din na maging alerto ang iba pang mga bansang may interes sa South China Sea laban sa pang-aabuso sa social media, dahil ang nakataya ay hindi lamang simpleng diskurso ng netizens kundi ang ating soberanya.

Ang mga politikong Pilipino, sadya man o hindi, ay hindi nakakaligtas sa mga katulad nitong disinformation campaigns na karaniwang state-sponsored at may layuning pagwatak-watakin tayo, pinagmumukhang normal ang iligal na pagkubkob sa ating mga isla sa West Philippine Sea, at may pagtatangka pa ngang pakialaman at impluwensiyahan ang ating eleksyon.

Hangad ng House Bill No. 11506 na hadlangan ito. Umaabot sa hanggang 12 taong pagkakakulong at matitinding multa ang naghihintay sa mga mapatutunayang may pakana o nakikinabang sa nasabing pandaraya. Ang isinasaalang-alang ay hindi lamang reputasyon o pulitika. Seguridad ng bansa ang pinag-uusapan dito.

Cognitive war ang tawag dito ni Rep. Robert Ace Barbers — at tama siya. Isa itong digmaan ng pananaw, ng naratibo, ng mabagal pero kalkuladong gaslighting. At inaatake na tayo. Bakit pa kakailanganin ang drone strike kung kaya namang idaan sa meme o deepfake ang labanan?

Kaya mahalagang gawing mabilisan ang pagsasabatas nito para maresolba ang problema, dahil walang dayuhang bansa ang dapat na umaatake sa atin gamit ang kasinungalingan; at hindi tayo dapat na walang kalaban-laban para maipagtanggol natin ang sariling bansa gamit ang katotohanan.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.