
IPAGDIRIWANG sa buong bansa ang “Tandang Sora Day” na isang pag-alala hindi lamang sa buhay ng rebolusyonaryong bayani na si Melchora Aquino, kundi pati na rin sa mahalagang papel ng kababaihang Filipino sa pagbubuo ng bansa, magsisimula ito sa darating na Enero 6, 2026.
Pormal na kinilala ang selebrasyong ito sa bisa ng Republic Act No. 12218 na nilagdaan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. nitong Hunyo 2, 2025. Sa ilalim ng batas na ito, idineklara ang Enero 6 na siyang kaarawan ni Aquino bilang isang special working holiday sa Quezon city kung saan siya isinilang at lumaki.
Masayang tinanggap ni QC Mayor Joy Belmonte ang bagong batas bilang isang dakilang pagkilala sa kontribusyon ni Tandang Sora hindi lamang sa kasaysayan ng lungsod, kundi sa kasaysayan ng buong bansa.
Si Aquino na mas kilala bilang si “Tandang Sora” ay isinilang noong January 6, 1812 sa Banlat, Caloocan, isang lugar na ngayon ay bahagi na ng Quezon City. Bagama’t hindi siya marunong bumasa o sumulat, siya’y kinilala sa kanyang karunungan, malasakit, at matibay na loob.
Sa kabila ng kanyang edad na higit 80 taon noong panahon ng himagsikan, buong tapang niyang binuksan ang kanyang tahanan sa mga sugatang Katipunero.
Pinakain, ginamot, at kinupkop niya ang mga rebolusyonaryong lumalaban para sa Kalayaan kahit pa ang kapalit nito ay panganib sa kanyang sariling buhay.
Dahil sa kanyang kabayanihan at pag-aaruga sa mga rebolusyonaryo, tinagurian siyang “Ina ng Katipunan.”
Hindi man siya humawak ng sandata, isinalarawan niya ang tunay na diwa ng rebolusyon: ang sakripisyo, pagkakaisa, at tunay na pagmamalasakit sa bayan.
Ayon kay Mayor Belmonte, ang Tandang Sora Day ay magsisilbing inspirasyon para sa lahat ng Filipina mula sa mga tahimik na lumalaban sa araw-araw para sa kanilang pamilya, hanggang sa mga babae na nasa posisyon ng pamumuno.
Dagdag pa ng alkalde, si Tandang Sora ay matibay na simbolo ng “women empowerment” dahil sa kanyang mahalagang papel sa pagtataguyod ng kalayaan at katarungan para sa bayan.
Matatandaan na noong Pebrero 19, 2025, ay opisyal na binuksan sa publiko ang Tandang Sora Women’s Museum sa QC na kinikilala bilang kauna-unahang women’s museum sa Pilipinas.