Home HOME BANNER STORY Balik-eskwela umarangkada

Balik-eskwela umarangkada

MANILA, Philippines- Muling nagbukas ang mga paaralan ngayong Lunes, Hunyo 16, hudyat ng opisyal na pagsisimula ng School Year 2025–2026 kung saan inaasahan ng Department of Education (DepEd) ang nasa 27 milyong enrollees mula preschool hanggang senior high school.

“All systems go po ang lahat sa pagbubukas ng ating klase,” pahayag ni DepEd Secretary Sonny Angara  sa isang Viber message. 

Sa pagbabalik ng milyong estudyante sa mga silid-aralan,  patuloy ang pagharap ng education system ng bansa sa mga hamon– kabilang ang learning gaps, infrastructure backlogs, at overcrowded facilities.

Isa sa pinakamalaking problema ang kakulangan ng mga silid-aralan, kasalukuyang pumapalo sa 165,000 sa buong bansa.

Upang tugunan ito, sinisilip ng DepEd ang limitadong hybrid learning arrangements, partikular para sa senior high school students sa overcrowded o high-density locations. Patuloy din naman ang pamamahagi ng smart TVs, laptops, at updated textbooks, alinsunod sa pagsusulong ng pamahalaan sa digital education. RNT/SA