MANILA, Philippines – Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec ) na 100% nang kumpleto ang beripikasyon ng lahat ng balota sa Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Tawi-Tawi, at Special Geographic Area.
Sa datos noong Setyembre 7, 2025, natanggap na at nasuri ang lahat ng 2,250,935 balota mula sa anim na probinsya at special geographic area.
Mula anila rito, nasa 1.95 milyong balota ang idineklarang maayos o good ballots, habang 294,422 balota ang isinailalim sa quarantine o yung on hold.
Naitala ang kabuuang 24,996 defective ballots o katumbas ng 1.11% defect rate.
Ayon sa Comelec, nanatiling maayos at ligtas ang proseso ng balotang gagamitin para sa halalan sa Bangsamoro. Jocelyn Tabangcura-Domenden