Home NATIONWIDE Bam Aquino kumalas sa LP, itinalagang chairman ng KANP

Bam Aquino kumalas sa LP, itinalagang chairman ng KANP

MANILA, Philippines- Itinalagang chairman si dating Senador Bam Aquino ng Katipunan ng Nagkakaisang Pilipino (KANP), pinakabatang political party sa bansa na nakatuon sa pagpapalakas ng hanay at ihahain bilang alternatibong partido sa susunod na halalan sa 2025.

Dating miyembro si Aquino ng Liberal Party, ang partidong nagluklok sa pinsan nitong si yumaong Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Sinabi ni Aquino na nabuo ang partido para sa kandidatura ni dating Vice President Leni Robredo na nagmula sa ilang volunteers sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Inendorso rin ito ni dating Senador Francis Pangilinan at human rights lawyer Chel Diokno.

“Buong pagmamalaki naming hinahayag ang pagtalaga kay dating Senador Bam Aquino bilang chairman ng partido,” ayon kay Diokno.

“Mahalaga ang pagkilos na ito kasabay ng pagpapalakas at pagpapatibay ng aming hanay bilang preparasyon para sa 2025 elections,” anang abogado saka idinagdag na kumikilos sa tamang landas ang partido sa pangunguna ni dating senador.

Ayon sa partido, dulot ng malawak na karanasan at nakamit ni Aquino, malaki ang maitutulong ito sa pagpapalakas ng kapasidad ng partido na matupad ang pangarap sa pagpapaunlad ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng epektibong pamamahalan, edukasyon, katarungan, teknolohiya at digital media.

“Aquino’s solid track record as a lawmaker, highlighted by 50 laws passed in his six-year tenure as senator, has been instrumental in advancing the welfare of Filipinos, particularly in the fields of education and entrepreneurship,” ayon sa KANP, na tumutukoy sa landmark bills ng dating senador tulad ng Free College Act at Go Negosyo Act.

Sa kanyang bahagi, inihayag ni Aquino na nakahanda siyang pangunahan ang murang partido na kinabibilangan ng local officials mula sa maraming rehiyon sa bansa.

“It is truly a great honor to lead a party of experienced and dedicated members who share our vision and aspirations for the nation,” ayon kay Aquino, pinakabatang senador sa Kongreso nang mahalal ito nitong 2013.

“As we enter another pivotal chapter in our country’s political history, KANP will present itself as a viable alternative for Filipinos weary of traditional politics and politicians,” dagdag niya.

Nagbigay din ng pagtitiwala kay Aquino ang dating partymates nito sa LP na sina dating senador Francis “Kiko” Pangilinan at Leila de Lima, at Albay Rep. Edcel Lagman, sa paniniwalang magbibigay ito ng katulad ng pagkilos at dedikasyon sa KANP na kanyang ginawa sa LP

“Masuwerte ang KANP dahil nakilala si Bam sa kanyang matibay na dedikasyon, tapat na paglilingkod at puso para sa taumbayan noong kasama pa namin siya sa LP,” ayon kay Pangilinan.

“I am confident that Senator Bam will turn KANP into a political party to reckon with and carry it to even greater heights amid an uncertain political landscape and other challenges,” giit naman ni De Lima.

“I wish Senator Aquino the best as he takes on this new challenge of leading some of the country’s political young bloods who have emerged as the faces of good governance in Philippine politics,” wika ni Lagman.

Naniniwala si Lagman, kilala at beteranong mambabatas, na kasalukuyang president ng LP, na makatutulong ang pamumuno ni Aquino sa KANP sa LP upang palawakin ang base sa ibang cause-oriented party ally.

Samantala, nakahanda ang KANP na mag-endorso ng like-minded potential candidates at bumuo ng alyansa sa ibang political parties na may katulad na prinsipyo bilang paghahanda sa midterm elections sa 2025. Ernie Reyes