Home NATIONWIDE DA: Pagbabalik ng kapangyarihan ng NFA ‘di layunin sa mga pagbabago sa...

DA: Pagbabalik ng kapangyarihan ng NFA ‘di layunin sa mga pagbabago sa RTL

MANILA, Philippines- Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. noong Martes na walang intensyon na buhayin ang kapangyarihan ng National Food Authority na tinanggal sa NFA matapos ang pagsasabatas ng RTL, ito’y makaraang tumestigo sa harap ng Senado sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na itinatadhana sa ilalim ng Rice Tariffication Law (RTL).

Nabatid sa pagdinig ng Congressional Oversight Committee on Agricultural and Fisheries Modernization hearing, nagbabala sina Senator Cynthia Villar at Senator Imee Marcos sa masamang track record at “dismal history” ng NFA.

Kugnay nito iginiit ni Villar, principal sponsor ng RTL sa Senado, ang kanyang pagtutol sa pagpapanumbalik ng dating kapangyarihan ng NFA at iminungkahi na ibigay sa Pangulo ang awtoridad na bumili at magbenta ng bigas sa panahon ng emergency.

Samantala, tinanong ni Senador Francis Tolentino kung hinahangad ng executive department na ibalik ang dating kapangyarihang ipinagkaloob sa NFA sa pamamagitan ng mga iminungkahing pag-amyenda sa RTL, subalit ipinaliwanag ni Laurel na ang mga amendment na kanilang hinahangad sa RTL ay batay sa kung paano sila makialam sa merkado sa panahon kung kailan tumataas ang presyo ng bigas sa lahat ng oras at sa gitna ng mga kondisyon tulad ng El Niño kung kailan apektado ang produksyon ng bigas.

Higit pa rito, sinabi ni Laurel na magkakaroon ng mga sitwasyon kung kailan kailangang mamagitan upang “panatilihing tapat ang mga mangangalakal.”

“Ang tunay na intensyon ay hindi ibalik ang buong kapangyarihan sa NFA, ngunit gamitin ang NFA lang bilang isang conduit para maisakatuparan ang ilang sandali ng interbensyon, maaaring minsan o dalawang beses sa isang taon. Ngunit hindi sa pamamagitan ng awtoridad ng sinuman sa NFA,” aniya.

Habang bukas siya sa ideya ni Villar na ibigay ang awtoridad sa Pangulo, nangangamba si Laurel na baka huli na ang emergency response kung ibibigay ang kapangyarihan sa Chief Executive.

“Ang sinasabi namin is kung pwedeng ibigay ang authority sa DA Secretary. Mas maganda ho actually si presidente ho ‘di ba? I agree with you. But ang tingin ko lang, the president is very busy with so many things baka maging reaction is late na” sabi niya.

“Kami, sa DA, well mino-monitor namin ito araw-araw. We can technically foresee or kung anong mangyayari and act accordingly,” patuloy ng opisyal.

Iminungkahi niya ang pagbibigay ng naturang awtoridad sa dalawang Cabinet secretary. Santi Celario