Home NATIONWIDE Bamban Mayor Alice Guo handang sumailalim sa DNA testing – lawyer

Bamban Mayor Alice Guo handang sumailalim sa DNA testing – lawyer

MANILA, Philippines – Handa si Bamban Mayor Alice Guo na sumailalim sa DNA test, ayon sa kampo ng alkalde nitong Martes, Hunyo 4.

Sa kabila nito, hindi pa malinaw kung ito ba ay kasama si Wen Yi Lin, isang Chinese national na hinihinalang aktwal na ina ni Guo, o ni Amelia Leal na sinasabi ng alkalde na kanyang tunay na ina.

Sa panayam ng DZBB, tinanong si Atty. Stephen David, legal counsel ni Guo, kung handa ba ang alkalde na sumailalim sa DNA test kasama si Wen Yi Lin.

“Wala namang problema ‘yan kung lumabas ‘yung kasambahay na ‘yan,” tugon ng abogado.

Nauna nang sinabi ni Guo na siya ay love child ng kanyang ama sa helper na si Amelia, na kalaunan ay iniwan siya nang siya ay bata pa.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, wala silang birth record ng mga magulang ni Guo.

Dito na hinamon ni Senador Sherwin Gatchalian si Guo na sumailalim sa DNA testing kasama si Wen Yi Lin upang patunayan ang kanyang nasyonalidad.

Naglabas naman si Senador Risa Hontiveros ng mga dokumento na nagpapakitang si Wen Yi Lin ay incorporator sa mga negosyo ni Guo.

Itinanggi ng dating consultant ni Guo na si Wen Yi Lin ang biological mother ng alkalde. RNT/JGC