Home METRO Grupo ng mga kabataan, nagprotesta vs agresibong aksyon ng China sa WPS,...

Grupo ng mga kabataan, nagprotesta vs agresibong aksyon ng China sa WPS, fishing ban

MANILA, Philippines – Nagsagawa ng die-in protest at lighting rally ang ibat-ibang sektor ng kabataan upang ipakita ang mariing pagkondena sa agresibong aksyon ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS) at sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng PIlipinas.

Panawagan ng grupo kasama ang bagong tatag na Alyansa Bantay kapayapaan at Demokrasya (ABKD) na naglunsad ng protesta sa harapan ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas ang pagbasura sa isinasagawang agresibong aksyon ng Tsina tulad ng ibababang bagong regulasyon kung saan hindi na lamang pagbabawalan ang mga mangingisdang Filipino kundi nagbibigay kapangyarihan sa China Coast Guard na hulihin at ikulong ang sinumang papasok sa binabantayan at pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea simula sa Hunyo 15 dahil sa pagiging “trespassers” aniya nila sa 9-dash line.

Ilan lamang sa mga katagang nakalagay sa mga banners at tarpaulin na bitbit ng grupo ay, “China are the trespassers in the WPS not the Filipino fisherman,” “China stop illegal regulation in WPS now,” “We stand and protect PBBM! Filipinos do not yield,” “China stop aggressive action in WPS now!” at “Hindi Kami Pasisiil! China alis sa WPS.”

“Ang sinasabing nasasakupan nila ay maliwanag na nakapaloob sa ating economic exclusive zone –nakapaloob sa 200 nautical mile na tinatawag natin at sinasabi mismo sa ating konstitusyon na kailangang protektahan ang ating estado—kailangan nating protektahan ang mga Filipino,” binigyang-diin ni Rodolfo “RJ” Villena Jr, ang tagapagsalita ng ABKD sa panayam ng mga mamamahayag.

Sinabi pa ni Villena na maituturing na isa lamang itong pananakot sa ating mga mangingisdang Pilipino at hindi ito makakatulong para maresolba ang hindi pagkakaunawaan at magpapataas lamang ng tensyon sa pinag-aagawang mga teritoryo sa WPS.

Nanawagan din ang grupo na igalang ng China ang 1982 United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Tribunal Ruling at huwag ng ituloy ang pagpapatupad ng bagong regulasyon.

Nanawagan din ang ABKD sa mga Pilipino at matataas na lider ng bansa na magkaisa at suportahan ang lahat ng programa at polisiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdiand Marcos Jr hinggil sa pagpapanatili ng kapayapaan sa WPS at sa loob ng ating EEZ.

Bilang pagpapakita pa ng kanilang mariing pagkondena, ibinasura ng mga nagpro-protesta ang mga larawan na nagsasalarawan ng bagong regulasyon ng Tsina at iba pa bilang pagpapakita na hindi magpaparaya ang mga Pilipino at sa manlulupig ay hinding-hindi pasisiil. Jocelyn Tabangcura-Domenden