Home NATIONWIDE Tourism sites, non-essential businesses sa Canlaon City, pansamantalang ipasasara sa Kanlaon eruption

Tourism sites, non-essential businesses sa Canlaon City, pansamantalang ipasasara sa Kanlaon eruption

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Canlaon sa Negros Oriental ang pagsasara ng non-essential business establishments at tourism sites matapos ang pagsabog ng bulkang Kanlaon nitong Lunes, Hunyo 3.

Sa executive order na inisyu ni Mayor Jose Chubasco Cardenas, ang lahat ng non-essential business establishments sa four-kilometer radius ng Bulkang Kanlaon ay ipinag-utos na tumigil muna sa operasyon at agad lisanin ang mga establisyimento ‘until further notice’ habang ang lahat ng non-essential establishments sa city proper ay binibigyang-mandato rin na magsara ng kanilang mga negosyo simula alas-8 ng gabi ng Hunyo 4.

Iginiit ni Cardenas na importanteng magsagawa ng proactive measures upang maingatan ang lahat ng mga residente at mabawasan ang epekto ng volcanic activity.

Ang pagsabog ng bulkan ay maaaring magdulot ng mapanganib na kondisyon katulad ng ashfall, pyroclastic flows, at lava, na mapanganib sa buhay ng mga tao.

Samantala, patuloy naman na magbibigay ng serbisyo ang mga ospital, botika, emergency response agencies, utility providers, at iba pang critical infrastructure services.

Hinimok din ang mga residente sa bisinidad ng Bulkang Kanlaon na sumunod sa evacuation orders na inisyu ng mga local authority, at sumunod sa designated evacuation routes.

Samantala, sa hiwalay na executive order, ipinag-utos ni Cardenas ang pagsasara ng tourism sites sa two- at six-kilometer radius ng bulkan.

Ipinag-utos din ng alkalde ang suspensyon ng pasok sa trabaho at mga pribadong opisina sa lungsod ngayong araw bilang ‘precautionary’ at ‘proactive measure’ bilang paghahanda sa mga posibleng mangyayari habang nag-aalburoto ang bulkan. RNT/JGC