Home NATIONWIDE Bamban Mayor Alice Guo, may 16 ‘luxury cars’ – Hontiveros

Bamban Mayor Alice Guo, may 16 ‘luxury cars’ – Hontiveros

MANILA, Philippines- Bukod sa hindi maipaliwanag na pagkakakilanlan, nabulgar pa sa Senado na pagmamay-ari ni Bamban Mayor Alice Guo ang 16 luxury cars saka isang helicopter na taliwas sa pagiging “simpleng tao.”

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado hinggil kay Guo, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na may hawak na dokumento ang kanyang tanggapan na nagpapatunay na pag-aari ni Guo ang naturang sasakyan.

Iniimbestigahan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang naturang alkalde matapos matuklasan na pag-aari nito ang isang lupain sa naturang bayan na may naitayong illegal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Inilantad ni Hontiveros ang ilang larawan ng nasabing mga sasakyan, kabilang ang sports utility vehicles, pick-up trucks, closed van at dump trucks.

Ayon kay Guo, “Hindi ko na siya assets. Buy and sell din po kasi ang negosyo sa Westcars kaya may umiikot na sasakyan. Pero ang sasakyan na gamit ko ngayon GAC.”

Inamin ni Guo na pawang incorporator siya ng WEstCars, bukod sa negosyong piggery, meat shop, farms, at embroidery business.

Naniniwala naman ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi ordinaryong mamamayan si Guo dahil hindi siya magkakaroon ng sariling helicopter.

“Narinig ko sa interviews mo ordinary ka. Ang isang ordinaryong tao walang chopper. Ang SALN (Statement of Assets Liabilities and Net Worth) mo umaabot sa 300 million. That is not an ordinary person,” ayon kay Gatchalian.

Aniya, nakabili siya ng helicopter na naibenta sa isang British company ngayong taon na naunang gagamitin sana sa air taxi business na hindi nangyari.

Hiniram din umano niya ang luxury car na gamit nya ngayon sa isang Tarlac car show.

Iniimbestigahan ng Senado ang pagsososyo ni Guo sa illegal na POGO sa Baofu Compound sa Bamban.

Bukod sa human trafficking, scams at iba pang ilegal na aktibidad, malaki ang paniniwala ni Gatchalian na ginagamit din ang Baofu Compound sa Banbam sa money laundering.

Inamin ni Guo na siya ang may-ari ng lupa na kung saan naitayo ng compound at dati siyang incorporator ng Baofu Corporation.

Natuklasan din sa Senado na regular na customer ni Guo si Huang Zhiyang, isa sa kasosyo ng Baofu na kanyang nakilala umano sa Clark at inalok siyang magnegosyo kaya naitayo ang compound at pumasok ang POGO.

Base sa records ng Presidential Anti Organized Crime Division (PAOCC), isang wanted na kriminal si Huang. Kabilang sa incorporator ng kompanya sina Chinese national Zhang Ruijin at Dominican Baoying Lin na sangkot sa pinakamalaking money laundering case sa Singapore. Ernie Reyes