Manila, Philippines- Pinabulaanan ng alkalde ng Bamban, Tarlac na may kinalaman siya sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator na sinalakay ng mga awtoridad sa Baofu Compound noong Marso dahil sa hinalang sangkot sa mga iligal na aktibidad.
Sa pagdinig ng Senado kaugnay ng human trafficking at cyber fraud operation, sinabi ni Mayor Alice Guo na hindi siya tumulong sa iligal na aktibidad ng Zun Yuan Technology Incorporated, kabilang ang human trafficking at illegal detention.
“Unang una po, ‘di ako konektado, ‘di po ako operator, ‘di po ako protector o coddler ng POGO. Wala akong kinalaman sa kanilang operation at kahit sa anong gawain sa loob at labas ng POGO,” pahayag ni Guo sa pagdinig.
Nauna nang ibinunyag ni Senador Sherwin Gatchalian ang posibleng pagkakasangkot ni Guo sa POGO hub, batay sa Sangguninang Bayan Resolution na nagsaad na si Guo, na noo’y private citizen, ay nag-apply ng lisensya ng ‘license to operate’ para sa Hongsheng Gaming Technology Inc.
Sinalakay ng mga awtoridad ang Hongsheng noong Pebrero 2023. Ang naturang compound ay ginamit din ng Zun Yuan Technology Inc., bilang sentro ng operasyon na sinalakay naman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission noong Marso 2024.
May listahan din ng 38 mga sasakyan ang natagpuan sa Zun Yuan Technology at sa beripoikasyon sa Land Transportation Office, nadiskubreng isa sa mga sasakyan, isang Ford Expenditon, ay nakarehistro sa ilalim ng pangalan ni Guo na itinanggi naman ng alkalde.
“Nais ko din pong linawin na meron isang sasakyan ng Ford Expedition na nakita sa loob ng property at siansabing nakapangalan po sa akin. Matagal ko nang naibenta way back 2020 pa po at di ko nagamit at nakita man lang,” sabi ni Guo.
May statement of account din na inisyu kay Guo ng Tarlac II Electric Copperative ang nadiskubre sa lugar ng Zuan Yuan.
“Dati po akong isang incorporator ng Baofu ngunit ito po ay naibenta na bago pa ako pumasok sa pulitika,” ani Guo.
“Tama po nakangalan ay nasa metro o billing ng TARELCO II because I was former land owner of the property. Ang tanging sinasasabi ng dokumento ay ako ang nag-apply para sa Temporary Connection way back 2019 ng electricity para sa buong Baofu compound,” saad pa niya. RNT