Home ENTERTAINMENT Ogie, humingi ng paumanhin sa media!

Ogie, humingi ng paumanhin sa media!

Manila, Philippines- Sa pamamagitan ng kanyang Instagram account ay nagbigay na ng kanyang pahayag si Ogie Diaz kaugnay sa isinampang cyber libel case sa kanya ni Bea Alonzo.

Kasama rin sa mga kinasuhan ng aktres si Cristy Fermin at ang mga co–hosts nila sa kani-kanilang online show.

Sa kanyang post ay sinabi ni Ogie na sasagutin niya sa tamang panahon ang naturang demanda at humingi ng dispensa sa mga reporter na tumatawag sa kanya para kunin ang kanyang pahayag/reaksyon.

Post ni Ogie, “Pasensiya na sa lahat ng reporters na tumatawag para maging balanse lang ang kanilang report. Naiintindihan ko kayo kung nginangarag kayo ng news desk o ng editors nyo.

“Makakarating din naman sa amin yan para sagutin sa takdang panahon,” aniya pa na ang ibig sabihin marahil ay ang kopya ng reklamong isinampa ni Bea.

Gayunpaman ay sinabi ni Ogie na gusto pa rin niyang magkatuluyan sina Bea at ex-fiancé na si Dominic Roque.

“Pero eto ha? Ayoko nang magpaka-plastic. Tulad ng lagi naming hinihirit sa Ogie Diaz Showbiz Update, sila pa rin ang gusto naming magkatuluyan sa ending,” sey pa ng talent manager-vlogger. Rommel Placente