MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senate President Win Gatchalian ang pagbabawal sa cross-ownership sa ng mga generation company (GenCo) at distribution utility (DU) upang magkaroon ng competitive environment sa sektor ng kuryente at maipababa ang halaga ng singil elektrisidad.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na kanyang inihain ang Senate Bill No. 1091 na naglalayong amendahan ang Republic Act No. 9136 o ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001.
“Ang cross-ownership sa pagitan ng GenCo at DU ay maaaring magdulot ng conflict of interest na posibleng humantong sa mga anti-competitive behavior na pwedeng magpataas ng presyo ng kuryente,” ayon kay Gatchalian,
Sa ilalim ng panukalang batas, ipagbabawal sa anumang GenCo, kabilang ang mga subsidiary o affiliate nito, ang pagkakaroon ng interes o pagmamay-ari sa anumang DU, at gayundin sa mga DU na magkaroon ng interes sa mga GenCo.
Ipinagbabawal din nito sa sinumang opisyal ng GenCo, o ng mga subsidiary o affiliate nito, na magsilbing opisyal o direktor ng isang DU o ng affiliate nito at ganoon din sa kabilang panig, sabi ni Gatchalian.
Aniya pa, kung walang pagbabawal sa cross-ownership, mahirap matiyak kung ang isang DU ay tunay na kumikilos para sa kapakanan ng mga konsyumer kapag pumipili o kumokontrata ito ng suplay ng kuryente. Ernie Reyes