Home NATIONWIDE EO 121 nilagdaan ni PBBM: Paghikayat sa lokal na paggawa ng e-vehicles

EO 121 nilagdaan ni PBBM: Paghikayat sa lokal na paggawa ng e-vehicles

1
0

MANILA, Philippines – Tinintahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 121 na lumilikha ng Electric Vehicle Incentive Strategy (EVIS) Program upang palakasin ang lokal na paggawa ng electric vehicles (EVs) at makahikayat ng mas maraming pamumuhunan sa industriya ng sasakyan sa bansa.

Nilagdaan ang EO noong Hulyo 29. Nagbibigay ito ng mga insentibo sa mga kumpanyang gagawa sa Pilipinas ng hybrid at battery electric na mga pampasaherong sasakyan, commercial vehicles, at kanilang mga piyesa.

Layunin ng EVIS Program na mapalawak ang lokal na produksyon ng EVs, makalikha ng de-kalidad na trabaho, mabawasan ang pagdepende ng bansa sa fossil fuels, at gawing sentro ng paggawa ng sasakyan ang Pilipinas sa rehiyon.

“Ang EVIS Program ay magbibigay ng pansamantala, nakatuon, nakabatay sa performance, at malinaw na suportang piskal upang mahikayat ang mga estratehikong pamumuhunan sa lokal na paggawa ng electric vehicles,” ayon sa Pangulo.

Maaaring magparehistro ang mga kwalipikadong manufacturer ng hanggang dalawang modelo ng EV at makatanggap ng dalawang uri ng insentibo: Fixed Investment Support (FIS) para sa pagtatayo o pagpapalawak ng pabrika, at Production Volume Incentives (PVI) upang hikayatin ang mas malaking lokal na produksyon.

Sa halip na cash grant, ang mga kwalipikadong kalahok ay bibigyan ng Tax Payment Certificates, na maaaring gamitin sa pagbabayad ng ilang pambansang buwis at import duties.

Upang maging kuwalipikado, kailangang magkaroon ng bagong pamumuhunan ang isang kumpanya, maglaan ng hindi bababa sa P5 bilyon na kapital, maabot ang itinakdang production targets, at mailunsad ang kanilang lokal na ginawang EV sa loob ng tatlong taon mula sa pagpaparehistro.

May kabuuang Php60 bilyon na pondo ang EVIS Program, kung saan maaaring umabot sa P15 bilyon ang insentibo para sa bawat EV model, depende sa taunang badyet ng pamahalaan.

Nakasaad din sa EO ang regular na pagbabantay sa mga kalahok upang matiyak na natutupad nila ang kanilang mga pangako sa pamumuhunan at produksyon.

Pangungunahan ng Board of Investments (BOI) ang pagpapatupad ng programa, katuwang ang Department of Finance, Department of Energy, Department of Transportation, at Department of Budget and Management. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here