MANILA, Philippines – Hindi muna ipapatupad ngayong taon ang pagbabawal sa mga abogadong nagtatrabaho sa gobyerno na magsilbing opisyal ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), ayon sa Supreme Court.
Sa halip, sa taong 2027 na ipapatupad ang Section 4 ng Revised By-Laws ng IBP.
Layon nito na ipagbawal ang mga pulitikal na gawain at panatilihing non-political ang organisasyon.
Pinagbigyan ng Korte ang hiling ng IBP Board of Governors na baguhin ang Guidelines for the 2025 Elections of Chapter Officers (guidelines). Higit 19,000 government lawyers kasi ang maaapektuhan.
Sa ilalim ng bagong Guidelines, hindi pa rin maaaring maging chapter president ang mga government lawyer. Hindi rin dapat lalagpas sa kalahati ng bilang ng mga opisyal ng isang IBP chapter ang mga government lawyer, maliban na lang kung nasa 100 pababa ang mga miyembro nito.
Sa kabila ng pagpapaliban, hindi pa rin pwedeng mahalal bilang opisyal ng IBP chapters ang mga
• presidential appointees
• national government or government-owned and/or -controlled corporations officers na may Salary Grade 26 pataas
• local government unit officers na may Salary Grade 25 pataas
• elected officials
• prosecutors; at
• nagtatrabaho sa Judiciary o sa quasi-judicial bodies. Teresa Tavares