MANILA, Philippines – Matinding binatikos ni Senador Raffy Tulfo ang pamahalaan sa pagbibigay ng ayuda sa Filipinong manggagawa na nagtatrabaho sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sa ginanap na pagdinig sa Senado, matinding kinastigo ni Tulfo ang pagbibigay-ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Filipinong sangkot sa illegal na POGO, samantalang kinakasuhan at kinakastigo ang dayuhan.
Ayon kay Tulfo, ibinulgar ng ilang nagtatrabaho sa POGO na inaaresto ang ilang dayuhan, ikinukulong at pinagtatalsik samantalang todo-suporta ang pamahalaan sa mga Filipinong sangkot.
“Binabayaran sila, pinapa-acting sila and then kapag nahuhuli sila, aba, binibigyan pa ng ayuda ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) kasi sasabihin na kawawa naman ‘yan, na-human traffic. I want those people accounted for,” ayon kay Tulfo.
Aniya, dapat managot ang lahat ng Filipinong sangkot sa panloloko at harapin ang parusang legal.
“POGOs wouldn’t function without Filipinos supervising operations. I want those people arrested when a raid is conducted, except for janitors, utility staff, and cooks,” aniya.
Naunang kinansela ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) ang mahigit 42 internet gaming licenses at lisensiya ng 18 authorized providers, na epektibong isiunagawa nitong January 2025.
Nitong Disyembre 145, 2024 ang huling araw nang bawiin ang lisensiya ng POGO.
Bago ang ban, umabot sa 58,181 individuals, kabilang ang 30,144 foreign workers ang naitalang nagtatrabaho sa POGO. Ernie Reyes