Home NATIONWIDE Ban sa mga sauce galing Pinas nagdulot ng shortage sa New York

Ban sa mga sauce galing Pinas nagdulot ng shortage sa New York

UNITED STATES – Nagkakaubusan na ang suplay ng ilang mga sawsawan na mula sa Pilipinas katulad ng ketchup, sarsa, at bagoong sa ilang pamilihan sa New York.

Ito ay kasunod ng pag-isyu ng United States Food and Drug Administration (FDA) ng Import Alert Number 99-45 noong Oktubre 25, na nagbabawal sa pagpasok ng multiple all-purpose sauces at shrimp pastes mula Pilipinas.

Bukod sa Pilipinas, apektado rin ng import alert ang nasa 30 bansa sa buong mundo.

Ang mga kompanya na nasa red list ay “subject to detention without Physical Examination,” na nangangahulugang ang anumang paraan na ipasok ang mga produktong ito sa US ay magreresulta sa pagkakakumpiska ng mga ito.

Ayon sa import alert, ang mga produkto ay maaari lamang maalis sa red list kung maipapakita ng mga kompanya na naresolba na ng mga ito ang mga isyu kaugnay sa food additive sa kanilang mga produkto.

Samantala, ayon sa Nutri-Asia Inc., isa sa mga manufacturer sa Pilipinas na apektado ng ban, nakapagpadala na sila ng reformulated products noon pang Agosto at ang kargamento ay sumasailalim na sa “routine US FDA inspection.”

“We understand that these regulations are periodically updated based on new research, local health trends, and the public health needs of their citizens,” saad sa pahayag ng NutriAsia sa panayam ng GMA News. RNT/JGC