MANILA, Philippines – Patay ang isang parking attendant matapos pagbabarilin ng nakaalitan nito sa paradahan sa UN Avenue, Manila nitong Sabado, Nobyembre 9.
Ayon sa ina ng biktima na si Arceña Navarro sa panayam ng ABSCBN News, Biyernes ay pinagsabihan niya umano ang suspek na nanlalamang umano sa kanyang anak.
Dahil sa sermon, nagdulot ito ng galit sa nakaalitan ng biktima.
Kalaunan, nilapitan ng suspek ang biktima na nakaupo sa tabi ng isang sasakyan at nagtalo.
Matapos nito ay kumuha ng upuan ang biktima ngunit bigla na lamang bumunot ng baril ang suspek saka ito pinagbabaril.
Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) Homicide Division, madalas na magkasagutan ang biktima at suspek.
“Maraming beses na po silang muntik na magpang-abot at hanggang sa nangyari na po ‘yung kanina ‘yung pamamaril sa biktima,” pahayag ni PCpt. Dennis Turla, hepe ng MPD-Homicide.
“Inihahanda na natin ‘yung reklamong murder laban dito sa ating suspek,” dagdag pa nito.
Tinutugis naman ang suspek na nakatakas matapos ang pamamaril. RNT/JGC