PARIS, France – Isang museo sa silangang bahagi ng France ang nag-ulat sa pulisya ng pagkawala ng isang saging na bahagi ng isang kilalang artwork na tinatawag na “Comedian” ng Italian artist na si Maurizio Cattelan.
Ayon sa ulat, napansin ng isang guard noong Sabado na nawawala ang saging na nakadikit sa dingding gamit ang duct tape. Ang artwork na ito ay kilala sa buong mundo at may halagang umaabot sa milyon-milyong dolyar.
Sinabi ng Pompidou-Metz museum na nagsampa sila ng reklamo sa pulisya laban sa hindi pa nakikilalang suspek, at agad nilang pinalitan ang saging upang maibalik ang artwork.
Ayon sa museo, hindi ito ang unang pagkakataon na may nangyaring ganito. Noong nakaraan, ilang bisita na rin ang kumain ng saging bilang bahagi ng artwork, at ang perishable na prutas ay regular na pinapalitan para manatiling “buhay” ang installation.
Ipinunto rin ng museo na itinuturing nilang paglabag sa respeto sa sining ang insidente, at patuloy pa ang imbestigasyon kung sino ang kumuha ng saging. RNT/MND