Home OPINION BANDILA IWAGAYWAY

BANDILA IWAGAYWAY

MULA Mayo 28 hanggang June 12, Araw ng Kalayaan, mayroong kautusan ang pamahalaan sa bisa ng Executive Order 179, noon pang 1994 ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, lahat daw ay dapat mag-display ng watawat ng Pilipinas, dahil ang panahong iyan ay National Flag Days.

Napapanahon ang kautusang ito, lalo ngayong tayo ay ‘binubully’ ng bansa ng mga Tsekwa na pinipilit angkinin ang ating mga teritoryo sa karagatan.

Kung ako nga ang masusunod, lahat ng baybayin sa mga bahaging ito ng karagatang pilit na inaangkin ng mga Chinese, ay lalagyan ko ng mga watawat ng Pilipinas, maging ang mga isla.

Mahalaga ang watawat. Sumisimbolo ito ng kasarinlan. Kaya nga ginawa ito noong makamtan na natin ang kalayan sa mga dayuhan na nais sumakop sa ating bansa. Iwinagayway ng ating mga ninuno ang mga bandila upang malaman ng buong mundo na tayo ay mga Filipino.

Kaya naman itong ating kaibigan at boss na si National Security Adviser Eduardo Año ay nanawagan din na i-display natin ang Philippine flag upang ipakita ang ating pagmamahal sa bayan, ang ating pangako na ipagtatanggol ang bansa sa sinomang magtangkang sakupin ito, kabilang na ang ating teritoryo sa West Philippine Sea.

Sabi ni Año, ating iwagaygay ang mga watawat sa ating mga tahanan, trabaho, paaralan at lalo na sa ating mga puso at isipan.

Hindi nga raw ito isang tela na kinulayan. Ito ang simbulo ng ating kasaysayan, ang ating matibay na determinasyon na ipagtanggol ang bansa sa sinomang magtatangkang tayo ay pagsamantalahan.

Kamakailan lang, sinimulan na itong gawin ng ating Philippine Navy at Coast Guards, iwinawagayway ng kanilang mga barko ang ating watawat, ipinagmamayabang, at ipinaaalam sa lahat na ito ang ating sagisag. Iwinawagayway habang sila ay naglalayag sa karagatang parte ng ating bansa.

Karapatan natin itong gawin at kinikilala ng “international community.” Kaya kung maaari naman, maglagay na rin tayo ng watawat, sa ating mga tahanan, sasakyan, opisina a iba pa upang ipaalam sa mundo na tayo ay gumagalang sa ating bandila, para  rin sa darating nating pagdiriwang ng”Araw ng Kalayaan”.

Ito ay pagkilala na rin sa mga nauna sa ating mga Pilipino na ipinaglaban ang kalayaan ng bansa. Kalayaang ‘di maaring supilin ng anomang bansa.

‘Di ito maaaring ituring na ‘senti emo’, at isang tradisyon lamang. Ito ay paghahayag na tayo ay malaya, at handang ipagtanggol ang bayan, kahit na isakripisyo pa natin ang ating sariling mga buhay. Kaya sa dulo ng ating pangbansang awit na “Lupang Hinirang” ang ating binibigkas ay “ang mamatay nang dahil sa iyo.”