Home METRO Bangayan sa politika iwasan – Bagatsing

Bangayan sa politika iwasan – Bagatsing

Larawan mula sa Partido Federal

MANILA, Philippines- Itigil na muna ang bangayan at pagtuunan ang paghahatid ng maayos na serbisyo at plataporma para sa mga Manilenyo.

Sa kasagsagan ng palitan at batuhan ng pahayag nina Manila Mayor Honey Lacuna at Isko Moreno Domagoso sa lungsod, umapela naman si Manila Mayoralty Candidate Raymond Bagatsing sa kanyang pagdalo sa isang Misa sa Archdiocesan Shrine of Sto. Niño de Tondo.

Matapos makipagsabayan sa Lakbayaw sa Tondo, nakiisa rin si Bagatsing sa Buling-Buling ng Santo Nino de Pandacan.

Ayon kay Bagatsing, walang maidudulot na maganda ang nangyayaring patutsadahan ng kapwa niya kandidato.

Aniya, halos naubos rin ng dalawa ang kanilang oras sa kanilang away-politika.

Samantala, nagpasalamat si Bagatsing sa lumabas na bagong survey kung saan siya ngayon ay nasa ika-apat na pwesto na dati ay hindi siya lumalabas sa survey. Hindi rin aniya nito inaasahan dahil wala naman siyang pera o pondo para umikot hindi tulad ng kanyang mga kalaban.

Sakali naman aniyang maging alkalde siya ng Maynila ay kanyang uunahin ang paglilinis ng buong lungsod, tamang paggastos sa pera ng City Hall, paglikha ng dagdag na trabaho sa mga Manilenyo at maayos na serbisyong pangkalusugan.

Isa rin sa nakibahagi sa Lakbayaw Festival si Bagatsing na sumama rin sa mahabang prusisyon ng mga replica ng imahe ng Santo Niño sa Tondo, Maynila noong Huwebes ng umaga matapos dumalo sa idinaos na misa.

Si Bagatsing ay kumakandidatong alkalde ng Maynila sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Jocelyn Tabangcura-Domenden