BACOLOD CITY- Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga armadong suspek na kaaway ng kuya nito habang ang una ay natutulog sa loob ng kanilang bahay, iniulat kahapon sa bayan ng Cauayan.
Kinilala ni Police Lt. Col. Lowell Garinganao, hepe ng Cauayan police station ang namatay sa pangalang Alex, 31, habang ginagamot sa ospital ang kanyang kuya na kinilala naman sa pangalang Gerald, 40, kapwa residente ng Barangay Inayawan, ng nasabing bayan.
Batay sa report ng pulisya, naganap ang krimen noong Miyerkules ng gabi sa nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa piyesta si Gerald at pauwi na ito sa kanilang bahay angkas ng motorsiklo na minamaneho ng kanyang kaibigan.
Habang papalapit sa kanilang bahay, bigla na lamang silang tinambangan ng suspek na armado ng .45 na baril at pinagbabaril si Gerald na tinamaan sa dibdib.
Mabilis namang nakatakbo ang kasama ni Gerald at nagawa rin nitong makatakbo papasok sa kanilang bahay subalit sinundan pa rin ito ng suspek.
Pagpasok ng bahay, binuksan ng suspek ang kwarto at inakalang si Gerald ang natutulog kaya pinagbabaril niya ito sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Mabilis namang tumakas ang suspek habang nakatakbo naman si Gerald na dumaan sa likod ng kanilang bahay saka nagtungo sa ospital para lapatan ng lunas ang tinamong sugat sa dibdib.
Nabatid na kauuwi lamang ni Alex ng kanilang bahay galing Maynila.
Sinabi ni Garinganao na posibleng dating alitan ang motibo sa krimen at mayroon na silang persons of interest. Mary Anne Sapico