MANILA, Philippines- Nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) na maparusahan ang mga nuisance candidates habang ikinakasa ng komisyon ang pagwasak sa 6 milyong nasayang na balota.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia sa panayam sa radyo na kung hindi kulong ay dapat patawan ng multa bilang parusa ang nuisance candidates.
Inihayag ito ni Garcia kasunod ng naging desisyon ng Korte Suprema na nagpahinto sa diskwalipikasyon nina senatorial aspirant Subair Guinthum Mustapha, dating Caloocan City Representative Edgar Erice, at iba pang indibidwal sa May 2025 national at local elections.
Ang desisyon ay nag-udyok sa poll body na suspendihin ang pag-imprenta ng mga opisyal na balota, ang 6 milyon sa mga ito ay naimprenta na at kalaunan ay hindi na magagamit.
Alinsunod sa Omnibus Election Code, sinabi ni Garcia na ang “nuisance” candidacy ay “legal” at “constitutional” na usapin.
Sinabi ni Garcia na ang Omnibus Election Code ay dapat i-update, na binanggit na ang batas na umiiral ay may ‘disconnect’ sa ipinatutupad na automated election.
“Wala ring makakapigil sa DC na mag-issue ng pansamantalang remedyo. Ipinapakita natin ang pagrespeto sa Korte Suprema , sa rule of Law,” sabi ni Garcia.
Ayon sa poll chief, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng SC temporary restraining order (TRO) na pumabor sa ilang kandidato na idineklarang nuisance candidate.
Aniya, agad niyang ipinahinto ang pag-imprenta ng mga balota bagama’y wala pa silang natatanggap na kopya ng TRO.
Binanggit pa ni Garcia na ang gastos sa reprinting ng mga balota– ang bawat isa ay nagkakahalaga ng P22 o P132 milyon para sa 6 milyong nasayang na balota.
Giit ni Garcia, ang nakalaan para sa balota sa 71 milyong botante ay P1.6 bilyon.
Noong Biyernes, inilipat na ang mga nasayang na balota sa warehouse sa Sta. Rosa City sa Laguna para sa tamang disposal.
Ito ay mula sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City na isinakay sa truck patungong Laguna para tunawin. Jocelyn Tabangcura-Domenden