CEBU CITY- Patay ang isang buntis habang sugatan ang kanyang mister matapos silang salpukin ng pampasaherong van, iniulat kahapon sa bayan ng Oslob.
Kinilala ang nasawi na si Krystelle Joy Amaca, 30, habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang kanyang mister na si Laurito Bolo, 41, construction worker, kapwa residente ng Purok Orchid, Barangay Lagunde, ng nasabing bayan.
Nakakulong naman sa lock-up facility ng Oslob Police station ang suspek at driver ng tourist van na kinilalang si Alexes Tabes Mariveles, 28, taga Montserrat, Pilar, Camotes, Island.
Batay sa report ng pulisya, bandang alas-4 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa national highway ng barangay Lagunde at patungong Birthing Center, Poblacion, ang mga biktima.
Minamaneho ni Laureto ang motorsiklo angkas ang kanyang misis nang bigla na lamang silang salpukin ng suspek.
Sa lakas ng pagkakasalpok ay tumilapon ang mag-asawa sa kalsada at agad namang dinala sa ospital subalit idineklarang patay ang buntis sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, serious physical at damage to property. Mary Anne Sapico