Home OPINION BANGAYANG MARCOS, DUTERTE LALONG UMIINIT DAHIL SA SOCMED

BANGAYANG MARCOS, DUTERTE LALONG UMIINIT DAHIL SA SOCMED

NOON, Marcos vs. Aquino, ngayon, Marcos vs. Duterte, kailan kaya matitigil ang paglalaban ng mga higante sa pulitika sa ating bansa?

Ano ba ang pakinabang ni Juan Dela Cruz kapag nangyayari ang ganitong uri ng paglalaban ng mga dambuhalang politiko na may kanya-kanyang mga taga-suporta, hindi lang sa mga kapwa nila politiko at kaibigang negosyante, kundi maging sa mga ordinaryong mamamayan na may kanya-kanyang kinakampihan.

Sa nangyayari ngayon sa ating bansa, kumporme na lang kung saan ka nakatayo o kung sino ang iyong pinaniniwalaan na may tunay na ipinaglalaban.

Ang nagaganap ngayong usapin sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang pagbibigay pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pulisya na tulungan ang International Police sa pagdakip sa dating Pangulo ang mainit na usapin na tiyak na matagal pang talakayan.

Sa kasalukuyang panahon na may bagong teknolohiya tulad ng social media, ang lahat, maging ang mga tambay, mga maritess, mga miron, at iba pa, ay puwedeng magbigay ng kanya-kanyang opinyon at paniniwala, kumporme kung kanino sila pumapanig o sumasampalataya.

Kahit magbukas kayo ngayon sa inyong Facebook account, Instragram, Youtube, at maging ng X na dating twitter, hindi pwedeng mawala ang mga panunumbat, paninira, pagpuri, at maging panalangin ng mga netizens pabor siyempre sa kanilang paniniwala.

Kung tutuusin, hindi lamang mga politiko ang nagpapalitan ng kanilang mga kuro-kuro sa nangyayari ngayon kundi maging mga magkakaibigan, magkakapitbahay, magkakasama sa trabaho, mga magkakamag-aral na kanilang idinadaan sa kani-kanilang group chat sa social media.

May mga ayaw manahimik at maghintay na lamang ng mga susunod na pangyayari kasi nga, likas na siguro sa ating mga Pinoy ang maging dalahira, ang maki-tsismis, ang magbigay ng sariling opinyon at paniniwala, o makisawsaw sa isyu.

Kaya nga hindi na nakapagtataka kung tagurian tayong mga Pinoy na pinaka-aktibong gumamit ng social media sa buong mundo. Tayong mga Pinoy ang umuubos ng maraming oras sa paggamit ng iba’t-ibang social media platforms, lalo na ng Facebook.

Lalo na siguro ngayon na mainit ang usapin sa pagitan ng mga Marcos at Duterte na tiyak na hindi kaagad matatapos at iinit pang lalo dahil marami pang mga umuusbong na pangyayari na naisisiwalat sa social media.