Home OPINION TURISMO AT MURDER CON RAPE SA SIMBAHAN SA BORACAY

TURISMO AT MURDER CON RAPE SA SIMBAHAN SA BORACAY

SINASABI ng mga awtoridad na ‘isolated case’ o bihira ang rape at pagpatay sa sikat sa mundo na Boracay Island, Aklan.

Kaugnay ito ng pagkadiskubre sa naaagnas nang bangkay ni Michaela Mickova, 23, Slovakian national sa Zone 3, Sitio Pinaungon, Barangay Balabag nitong Marso 12 dakong alas-2:19.

Nakita ang bangkay nito na may damit pang-itaas ngunit hubad sa ibaba na nakabukaka at may dugo na umagos sa kanyang ari…at sa loob pa ng simbahan.

Nitong Huwebes o kahapon pa sinasabing isasalang sa awtopsiya ang bangkay na bukod sa pagpatay sa kanya, maaari ring ginahasa ito.

Tatlong persons of interest ang pinaghihinalaang may kagagawan sa malagim na krimen.

Sana naman, mahuli agad ang mga demonyong suspek na ito.

Walang puwang, mga brad, ang mga gumawa ng ganitong karumal-dumal na krimen.

Bagama’t tinatanggap natin na isolated case ang pangyayari, hindi katanggap-tanggap ito sa mga dayuhan, lalo na ang mga taga-Slovakia.

Hindi rin katanggap-tanggap sa lahat ng mga gumagawa ng paraan na panatilihing ligtas sa krimen ang lugar.

Isipin na lang ang libo-libong Pinoy na nagtatrabaho sa lugar at kaugnay na lugar para sa turismo.

Nariyan din ang mga nagtayo ng negosyo para lang matugunan ang mga pangangailangan ng mga turista, empleyo ng mga obrero at pamahalaan sa usaping buwis.

Kung masusundan pa ang ganitong pangyayari, paano ang mga obrero, negosyante at pamahalaan na maaapektuhan sa pagbabawas ng mga turista?

Ang mahirap pa kung mahilig gumanti ang mga dayuhan.

Paano ang ating mga turistang Pinay kung patayin at reypin din sila?

Sa ganitong pagkakataon, makababawi lang tayo kung mabigyan ng hustisya ang mga inosenteng turista, kanilang mga pamilya at kababayan.

O mga pwersa

ng pangkatarungan, aba, huwag aanga-anga riyan.

Mula pulis, National Bureau of Investigation, piskal, huwes, jail guard, Department of Tourism, kilos!

Nasaan nga pala ‘yung parusang bitay, para matokhang na ang mga ito kapag napatunayang nagkasala?