MANILA, Philippines – Sinabi ni Sen. Erwin Tulfo, chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, na maaaring tumungo ang mga miyembro ng majority bloc sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao upang makita at matugunan ang pangangailangan ng mga biktima.
“Naka-usap ko po ang ating Acting Senate President na anytime po ay pupunta po ang mga miyembro ng majority bloc para marinig at makita po ang pangangailangan ng mga biktima ng lindol,” ani Tulfo.
Dagdag niya, sinuspinde ang Blue Ribbon Committee organizational meeting bilang paggalang sa mga naapektuhan.
“We suspend this meeting bilang paggalang po sa mga biktima po ng matinding lindol ngayon diyan sa Mindanao,” sabi niya.
Ayon kay Acting Senate President Sherwin Gatchalian, dapat maging prayoridad ng pamahalaan ang pagliligtas ng buhay at agarang pagtugon sa mga ulat ng pinsala, pagkaantala ng serbisyo, at tsunami warning.
“The situation calls for all-hands-on-deck response,” aniya, at hinimok ang NDRRMC, DSWD, at mga LGU na agad magsagawa ng search, rescue, at relief operations.
Hiniling din niya sa DepEd na unahin ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral, kasama ang agarang structural assessment ng mga paaralan at pagbibigay ng psychosocial support.
Ayon naman kay Sen. Alan Peter Cayetano, dapat magkaisa at manalangin para sa mga apektadong komunidad.
“To our brothers and sisters in Mindanao affected by the earthquake, we are praying for you. Know that we are here for you,” ani Cayetano.
Sinabi rin ni Sen. JV Ejercito na kahit nasa hearing, naapektuhan sila ng balita ng lindol kaya pinutol ang pagdinig upang makapag-monitor ng tulong.
Samantala, nagpahayag ng pakikiramay si Sen. Lito Lapid sa mga residente ng South Cotabato, Sarangani, General Santos City, BARMM, Zamboanga Peninsula, at Davao Region, at nanawagan ng panalangin para sa kaligtasan ng lahat. RNT/MND