MANILA, Philippines- Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa isang sink hole sa bayan ng Carmen sa north Cebu.
Ang sink hole ay tinatayang mula 20 hanggang 30 talampakan ang lalim, matatagpuan sa Purok Mahogany, Barangay Sac-on, sa bayan ng Carmen.
Natuklasan ang bangkay dakong alas-6 ng umaga noong Disyembre 12, 2024.
Natukoy ang lalaki bilang isang 35-anyos, may karelasyon, isang chainsaw operator, at residente ng Barangay Lower Natimao-an, na matatagpuan din sa Carmen.
Base sa Carmen Police Station, iniulat ng isang kagawad ng Barangay Lower Natimao-an sa police station ang isang patay na tao sa sink hole.
Agad namang iniahon ng mga pulis kasama ang mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection ang bangkay.
Sa kasalukuyan, hindi pa natutukoy ang dahilan ng pagkasawi ng nasabing indibidwal. RNT/SA