MANILA, Philippines- Natapos na ang registration period para sa official social media accounts ng aspirants para sa Eleksyon 2025 sa mahigit 13,000 online registrations, base sa Commission on Elections (Comelec).
Batay sa datos na ibinahagi ng Comelec, makikitang nakatanggap ang poll body ng 13,723 online registrations hanggang nitong Disyembre 13, 2024. Sa bilang na ito, 70 ang tumatakbo sa pagka-senador, 13,416 ang local aspirants at 237 ang party-list organizations.
Itinakda ng Comelec ang deadline para sa rehistrasyon ng online campaign platforms ng Disyembre 13. Wala nang extension sa deadline, naunang paalala ng poll body.
Batay sa Comelec Resolution No. 11064, lahat ng kandidato, partido, at kanilang campaign teams ay inaatasang iparehistro lahat ng kanilang official social media accounts at pages, websites, podcasts, blogs, vlogs, at iba pang online at internet-based campaign platform sa Comelec education and information division sa loob ng 30 araw matapos ang paghahain ng certificates of candidacy.
Bubusisiin ng election task force ang mga aplikasyon at ieendorso ang mga ito para sa pag-apruba o pagbasura sa Commission en banc. Ilalathala ang aprubadong registrations sa official website at social media accounts ng Comelec.
Nauna nang inamyendahan ng Comelec ang resolusyon, na hindi isinasama ang privately owned accounts na nag-eendorso sa mga kandidato mula sa mandated registration. RNT/SA