Home METRO Bangkay ng 3 minero, narekober na; 1 rescuer, patay

Bangkay ng 3 minero, narekober na; 1 rescuer, patay

QUEZON, Nueva Vizcaya — Narekober na ng mga volunteer rescuer ang bangkay ng tatlong illegal miners na na-trap sa loob ng tunnel matapos nila itong pasukin noong Lunes (Hunyo 23) ng gabi sa Sitio Balcony, Barangay Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang mga namatay na minero na sina Daniel Segundo, 47 anyos; Florencio Indopia, 63 anyos; at Lapihon Ayudan, 56 anyos — pawang mga taga-Barangay Runruno sa nasabing bayan.

Pahirapan ang ginawang pag-retrieve ng mga bangkay mula sa mahigit 400 metrong lalim ng tunnel kagabi, kung saan si Segundo ay narekober ng alas-onse ng gabi, habang sina Indopia at Lapihon ay narekober naman ng hatinggabi at kaninang madaling araw.

Nauna rito, isa sa mga volunteer rescuer na si John Philip Guinihid ang binawian ng buhay kahapon (Hunyo 25, 2025) matapos siyang mailabas mula sa tunnel.

Si Guinihid, kasama ang kanyang kaibigang si Johnny Ayudan, ay boluntaryong pumasok sa naturang tunnel noong gabi ng Martes (Hunyo 24, 2025) upang kunin ang katawan ng kapatid nitong si Lapihon Ayudan — isa sa mga small-scale miner na na-trap simula pa noong Lunes ng gabi, Hunyo 23, 2025.

Nauna nang narekober nang buhay mula sa tunnel sina Alfred Dulnuan at Joval Bantiyan noong Martes (Hunyo 24, 2025).

Sila ay kasama nina Segundo, Indopia, at Lapihon na pumasok sa Runruno tunnel noong Lunes (Hunyo 23, 2025).

Ayon kay Pastor Mario Dela Cruz ng Philippine Bethel Church, Inc., isa rin sa mga volunteer rescuer, kawalan ng sapat na oxygen ang sanhi ng kanilang pagkahilo at pagkawala ng malay, dahilan kung bakit hindi na sila nakalabas sa nasabing tunnel.

“Sumakit ang ulo namin at nahirapan kaming huminga sa kaloob-looban ng tunnel kaya’t napakahirap ang isinagawang rescue at retrieval efforts,” pahayag ni Pastor Dela Cruz.

Isinagawa ng mga volunteer rescuer ng Runruno community, at ng mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), FCF Minerals Corp., OceanaGold Philippines, Inc., BLGU, MLGU, at iba pang Non-Government Organizations (NGOs) ang malagim na trahedyang retrieval operation sa mga illegal miner. Rey Velasco