MANILA, Philippines- Natagpuang patay ang isang American national sa loob ng kanyang kwarto sa isang property sa South Road Properties (SRP), Barangay Mambaling, Cebu City.
Umalingasaw umano ang silid dahilan upang matawag ang pansin ng mga security guard.
Base sa kanyang passport, natukoy ng mga pulis ang pagkakakilanlan niya bilang isang 60-anyos na nagngangalang Thomas Melvin Owens, dating physical therapist mula California sa United States of America.
Natuklasan ang bangkay ng alas-4:41 ng hapon noong Disyembre 16, 2024.
Natukoy ng Scene of the Crime Operations 7 personnel na napansing hindi lumabas ng kanyang silid ang dayuhan mula noong Disyembre 14, 2024.
Ang security guards ang unang nakapansin ng nakasusulasok na amoy sa lugar. Nang silipin nila ang silid, natagpuan ang mga labi ng American national na nakahandusay sa sahig.
Kinumpirma ngĀ mga pulis na naaagnas na ang katawan.
Sa kasalukuyan, hindi pa natutukoy kung mayroong foul play sa insidente o nasawi ang dayuhan sa natural cause. RNT/SA