Bulacan – Isang bangkay ng 64 anyos na lalaking vendor ang natagpuan ng mga residente na palutang-lutang sa patubig sa bayan ng San Ildefonso.
Kinilala ang biktimang senior citizen na si Mang Filo, may-asawa, fruits and vegetable vendor at residente ng Purok 4, Brgy. Sapang Putik
Sa report, natagpuan ang palutang-lutang na bangkay bandang 2:20 ng hapon nitong Linggo, Pebrero 16 sa irrigation canal sakop ng Brgy. Calasag.
Ayon sa report, isang Barangay Kagawad ng Brgy. Calawitan na napadaan sa patubig ang nakakita sa palutang-lutang na bangkay na kagyat niyang inireport sa pulisya.
Nang makarating sa kaalaman ng pulisya ay agad silang rumesponde sa lugar hanggang sa tumambad sa kanila ang bangkay na palutang-lutang.
Isang nagngangalang Jennifer, 35, sewer na personal na kinilala ang bangkay na kanyang ama na hindi na nakauwi sa kanyang bahay mula nang umalis nitong gabi ng Pebrero 15.
Sa hiwalay na report, may nakakitang nakatulog ang biktima sa kanyang nakaparadang tricycle mula sa isang inuman at nang magising ay posibleng tinangkang umihi sa gilid ng patubig hanggang sa aksidenteng nahulog ito.
Sa kabila nito, nanawagan ang pamilya ng biktima sa publiko na ipagbigay alam sa mga awtoridad ang anumang impormasyon para makatulong sa patuloy na isinasagawang imbestigasyon ng pulisya. Dick Mirasol III