Home METRO Jeepney driver, patay sa katok ni kamatayan

Jeepney driver, patay sa katok ni kamatayan

MANILA, Philippines – Patay ang isang jeepney driver matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang mga suspek matapos nitong pagbuksan ng pinto sa Caloocan City, Lunes ng madaling araw, Pebrero 17.

Agad nalagutan ng hininga sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala ang biktimang si John Bryan Pamimtuan, 34, ng 1431 Sampaloc Ext., Brgy., 178, Camarin ng lungsod.

Patuloy naman ang back tracking ng pulisya sa mga CCTV camera sa lugar na maaaring makatulong upang matukoy ang pagkakilanlan at pagkakaaarsto sa mga suspek.

Sa nakarating na report sa tanggapan ni Caloocan police chioef P/Col. Edcille Canals, dakong alas-2:10 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.

Batay sa pahayag sa pulisya ng kinakasama ng biktima, nag-iinuman sila sa loob ng kanilang bahay nang may kumatok sa kanilang pinto at tinawag ang pangalan ng biktima.

Kaagad tinungo ng biktima ang pinto, at nang kanyang buksan ay agad siyang pinagbabaril ng mga suspek na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan habang mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa Reparo Road, Camarin sakay ng isang motorsiklo.

Narekober ng mga tauhan ng NPD-FU sa crime scene ang dalawang basyo ng bala mula sa kalibre .45 pistol habang inaalam pa ang motibo sa pagpatay sa biktima. Merly Duero