Home NATIONWIDE PDP senatorial slate, suportado ng 181 Manila barangay captains

PDP senatorial slate, suportado ng 181 Manila barangay captains

MANILA, Philippines – Umaabot sa 181 kapitan ng barangay mula sa 5th District ng Maynila ang nagtipon noong Linggo upang ipakita ang kanilang pagsuporta sa Partido Demokratiko Pilipino (PDP) senatorial slate sa darating na halalan sa Maynila.

Ang pagtitipon na isinagawa sa Fortune Mansion Seafoods restaurant sa Malate, Maynila, ay pinangunahan nina Barangay 670 chairwoman Bai Aleya Bidua at Sultana Bhae Izashy Amor Mastura ng Royal House of Maharlika.

Inimbitahan ng barangay captains si Senador Christopher “Bong” Go para ipakita ang kanilang suporta sa PDP senatorial slate. Pinuri naman sila ng senador sa pagdadala ng kampanyang nakabatay sa ‘serbisyo at malasakit’ diretso sa kani-kanilang mga komunidad.

Binigyang-diin ni Go na ang pulso ng taumbayan at hindi makinarya sa pulitika ang magdedetermina ng resulta sa halalan. Hinimok niya ang mga tagasuporta na palakasin ang kampanya sa mga komunidad.

“Mga kapitan ng barangay—kayo ang tunay na lakas ng kampanya. Hindi tayo umaasa sa ingay—tao ang puhunan natin. Saludo ako sa inyong tapang at malasakit. Magkasama tayo sa laban na ito,” ani Senator Go.

Iginiit ni Go na ang serbisyo-publiko ay higit pa sa gawaing panglehislatura at sa puso ng mga komunidad.

“Alam nyo, parati po ako dito sa Manila tuwing may sunog, nung baha, pandemya at ibang krisis, nandito rin po tayo. Maraming lumapit kanina, nagpapasalamat sa tulong—sa Malasakit Center, sa ambulansya, sa programa, ar iba pa… Pero ang totoo, ako dapat ang magpasalamat sa inyo. Ako po ay isang probinsyano na binigyan ninyo ng pagkakataong magsilbi sa inyo. Hindi ko po sasayangin ang tiwala ninyo at oportunidad na ibinigay ninyo sa akin na makapagserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya,” sabi ni Go.

Binigyang-diin ni Go ang kanyang suporta sa barangay officials sa pamamagitan ng legislative action.

Inihain niya ang Senate Bill Number (SBN) 197, o ang Magna Carta for Barangays, para itulak ang tamang pagkilala, suporta, at benepisyo sa mga opisyal ng barangay. Bukod dito, gumawa siya ng panukalang batas upang bigyan ng allowance, insentibo, at seguridad sa trabaho ang barangay health workers.

Noong Pebrero 3, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2838, o ang Magna Carta of Barangay Health Workers (BHWs), isang panukalang naglalayong i-institutionalize ang kompensasyon at mga benepisyo para sa community health volunteers ng bansa. Bilang isa sa mga may-akda at co-sponsor ng panukalang batas, binigyang-diin ni Go ang mahalagang papel ng BHWs sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, lalo sa mga komunidad na kulang sa serbisyo.

“’Yan po ang trabaho namin bilang senador: constituency, representation, at legislation. Hindi lang batas. Kailangang mailapit ang serbisyo sa tao. Ako po, mula sa Davao, isang Batangueño na Bisaya, pero laking Maynila rin. Dito ako nag-aral, dito ako nakatira. Kaya itinuring n’yo akong kapitbahay na handang tumulong,” anang senador.

Umapela si Go sa mga pinuno ng barangay na tulungan ang PDP senatorial slate at himukin ang kanilang mga komunidad na matalinong pumili ng mga kandidato.

“May pakiusap lang po ako: tulungan natin ang mga kasamahan ko sa PDP at ang mga candidates natin. Tayo-tayo ito. Kapag kayo ang kumausap sa mga tao, mas may timbang. Kasi kayo ang kilala nila. Kayo ang may tiwala nila,” giit ni Go.

Sa sinabi ni Go, sama-samang nangako ang mga pinuno ng barangay na aktibong mangangampanya para sa PDP senatorial slate sa kanilang mga komunidad.

“Hindi ko po sasayangin ‘yung pagkakataong ibinigay n’yo po sa akin. Magtatrabaho po ako para sa Pilipino. At iyan po ang pwede kong ialay sa inyo, ang aking bisyo sa pagseserbisyo,” pahabol ni Go na kilala bilang “Mr. Malasakit” dahil sa kanyang makatao at may malasakit na paglilingkod sa Pilipino. RNT