BULACAN, Philippines – Isang bangkay ng batang babae mula sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM) ang nadiskubreng palutang-lutang sa ilog sa bayan ng Bocaue noong Martes Hulyo 1.
Sa report, ang biktima ay pawang anim na taong gulang, residente ng Brgy. Sto Niño 1, SJDM.
Ayon sa report, bandang 3:40 ng hapon noong Lunes ay naglalaro ang biktima kasama ang mga kaibigan nang aksidenteng mahulog ito sa ilog sa nasabing lugar.
Dahil dito, humingi ng tulong ang kaanak ng biktima sa mga awtoridad na agad nagsagawa ng search and rescue operation sa lugar hanggang sa kalapit bayan na karugtong ng ilog subalit Hindi nakita.
Sa kasamaang-palad, bandang 1:40 ng hapon nitong Martes, nang matagpuan ang biktimang palutang-lutang sa ilog sakop ng Brgy. Taal, Bocaue na umanoy positibong kinilala ng kanyang inang si Bel.
Sinasabing kapag malakas ang buhos ng ulan ay rumaragasa ang tubig mula sa mataas na bahagi SJDM patungo sa Sta. Maria, Bocaue at Marilao river. (Dick Mirasol III)