MANILA, Philippines – “Huwag putulin ang kuryente, tubig, internet sa mga opisina, ospital, paaralan sa Maynila”
Ito ang apela ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nitong Miyerkules sa mga utility at telecommunications companies na huwag putulin ang linya ang mga mahahalagang serbisyo sa buong Maynila, habang ang lungsod ay nakikipagbuno sa tinatawag niyang “grave financial mess” na minana ng nakaraang administrasyon
Sa ginanap na dayalogo sa mga kumpanyang dumalo tulad ng Meralco, Maynilad, Manila Water, PLDT, Globe Telecom, Smart Communications, Converge ICT, at Cignal TV, ibinunyag ng Alkalde na ang City Hall ay nakatanggap ng disconnection notice para sa mga hindi pa nababayarang bill na nagkakahalaga ng ₱113,596,710.54, na sumasaklaw sa mga serbisyo ng kuryente, tubig at internet sa mga paaralan, ospital at iba pang pasilidad ng pamahalaang lungsod.
“Wala na ho kaming kapera-pera. As in literal. This is not about blame. Reality check na ito ng financial mismanagement — grave financial mismanagement ng gobyerno ng Maynila na inabutan ko,” ani Domagoso.
Giit pa ni Domagoso, bukod sa mga nabanggit, ang City Hall ay mayroon din mga kinakaharap na bayarin sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagkakahalaga ng ₱300-million.
“Lahat ng naikubling singilin, itinago o ipinagkaila, ngayon bumubulagta sa amin,” ayon sa Alkalde.
Dahil ditto, umapela si Domagoso para sa pang-unawa mula sa mga service provider, na humihiling ng dalawang buwang pagpapaliban upang bigyang-daan ang lungsod na lutasin ang mga isyu nito sa pananalapi at maihabol ang mga hindi nababayarang bayarin.
“Pwede ba makisuyo, huwag niyo muna kami putulan ng kuryente, tubig, internet? Pagbalik ninyo sa mga boss niyo, sabihin ninyo, bigyan niyo kami ng breathing room,” apela ni Domagoso.
Idinagdag niya na ang anumang magagamit na savings ng lungsod, kabilang ang mga pondo na nakuhang muli mula sa 5,930 na pawang mga hindi umano mahagilap na Job Order workers, ay gagamitin upang bayaran ang mga kagyat na obligasyon.
“’Yun ang ipababayad ko sa inyo. Huwag niyo lang muna putulan ang mga ospital, mga eskwelahan, mga pasilidad,” ani Domagoso.
Tumugon naman ang mga kinatawan ng kumpanya na ipaparating nila ang kahilingan ng Alkalde sa kani-kanilang pamunuan.
“Alam ko naman may paswelduhin din kayo. Pero promise, mag-u-update ako. Hindi ko kaya bayaran bigla, pero nag-aayos kami,” ayon pa kay Domagoso. JAY Reyes