
NAGBIGAY ng paglilinaw ang DSWD o Department of Social Welfare and Development na hindi lamang para sa mahihirap na sektor ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Sinabi ni DSWD Crisis Intervention Unit (CIU) Director Edwin Morata na bukas ang AICS para sa lahat, mahirap man o may kaya sa buhay, may trabaho man o wala. Aniya, walang tinitingnan na income bracket o propesyon kundi ang kasalukuyang krisis na kinakaharap ng isang indibidwal. Kapag ang isang taong nagkasakit o nagkaroon ng cancer, siguradong mauubos ang kanilang naipon na pera dahil sa sobrang laki nang gastusin sa ospital.
Binigyang-diin ng CIU director na ang AICS ay hindi lang basta pamimigay ng pera kundi isang “catch-all” na mekanismo ng tulong sa sinomang dumaranas ng krisis, tulad ng pagkakasakit, pagkamatay ng kaanak, pagkawala ng trabaho, o iba pang biglaang pangyayari na nangangailangan ng agarang suporta.
Maliban sa pinansyal na ayuda para sa medical, burial, educational, food, at transportation needs, kasama rin sa AICS ang mga serbisyong psychosocial gaya ng psychological first aid at counseling, na layong matulungan ang mga benepisyaryo sa aspeto ng mental at emosyonal na kalusugan.
Dagdag pa ni Director Morata, hinihikayat ng ahensiya ang publiko na huwag mag-atubiling lumapit sa mga tanggapan ng DSWD o sa mga Crisis Intervention Units nito sa buong bansa, lalo na kung dumaranas ng hindi inaasahang sakuna o pangangailangan.
Pangunahing layunin ng program na makatulong sa pagpapanumbalik ng dignidad at kakayahang makabangon ng bawat Filipino mula sa matinding pagsubok sa buhay.
Maaaring lumapit ang mga nangangailangan sa mga regional offices ng DSWD, satellite office sa mga lungsod, at maging sa mga referral mula sa mga local government unit, legislator, o mga government hospital.
Kinakailangang ihanda ang government-issued ID, Barangay certificate of indigency or crisis, medical/burial/education- related documents, at referral letter kung kinakailangan.
Para sa taong 2025, nasa Php 44 bilyon ang aprubadong badyet para sa AICS.