Home OPINION DOE, ERC DAPAT MAGTRABAHO SA PRESYO NG PETROLYO

DOE, ERC DAPAT MAGTRABAHO SA PRESYO NG PETROLYO

NOONG buwan ng Hunyo, dalawang beses nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo bunga ng giyera sa pagitan ng Israel at Iran na pinakikialaman ng Estados Unidos.

Kaya naman damay ang halos buong Middle East dahil sa pagpapasabog ng United States sa tatlong nuclear sites ng Iran. Siyempre, sa pagkakataong iyon, tumaas ang presyo ng langis na nagmumula sa Gitnang Silangan.

Sabagay, ang US ang may pinakamalaking monopolyo ng langis. Kaya ba nakikialam ito sa gulo sa ME?

Bunga ng giyera, ipinasiguro ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na suplay ang Pilipinas ng langis na tiniyak naman ng Department of Energy na sapat ang stock ng mga kompanya.

Ayon sa DOE, sakaling magkaroon ng kakulangan sa suplay at magtataas ng presyo ang mga kompanya, magbibigay ng ayuda ang pamahalaan.

Hindi lumipas ang buwan na hindi nagtaas ng presyo ang mga kompanya ng langis at napakalaki ng itinaas nito na ang gasoline ay halos kulang P4 habang kulang P5 ang krudo. Ang pagtaas ay bandang Hunyo 24 na makalipas na magtaas ng presyo ang mga kompanya ay nagkaroon naman ng “ceasefire” ang Israel at Iran na maituturing na magandang balita.

Bakit hindi? Bumaba muli ang presyo ng langis na inaangkat sa Middle East. Bumaba ito nang hindi inaasahan kaya naman dapat ay magkaroon din ng roll back ang mga kompanya ng langis sa presyo ng kanilang produkto.

Nitong July 1, may mga kompanyang nagpatupad ng rollback.

Pero kung mag-iikot ang DOE at ang Energy Regulatory Board, posibleng matuklasan nila na hindi lahat ng kompanya ng langis lalo na iyong mga gas station na prangkisa lang ay hindi naman nagbaba ng presyo ng kanilang produkto.

Iyan ang masakit na katotohanan kasi nga ang mga negosyante, kapag usapin ng price hike, bagaman may suplay pa sila o luma pa ang kanilang produkto na hindi pa sakop nang pagtaas ng presyo, kaagad na nagtataas. Pero kapag price roll back na ang usapin, tila nagtataingang-kawali ang mga ito.

Hindi sumusunod sa ipinag-uutos ng pamahalaan na dapat ay bumaba ang presyo. Syempre, tanging nasa utak ng mga ito ang kita nila sa kanilang produkto.

Hindi naman pwedeng “tubong lugaw” lagi kayo at biktima nyo ang taumbayan lalo na yung hindi naman totoong nakaaangat sa buhay.

Pero ang DOE at ERC ay kailangang mag-ikot din at imonitor ang presyo ng petrolyo sa mga gas station.