PANG-APAT na araw pa lang sa panunungkulan itong balik alkalde ng Maynila na si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso subalit marami na siyang ibinabalik na mga lugar na malaki ang ipinagbago lalo na sa kalinisan at kaayusan.
Sinimulang personal na pangasiwaan ni Yorme noong Hunyo 30 pa lang ang paglilinis ng mga lugar partikular sa Divisoria, Carriedo at Blumentritt at mga lugar na naging sobrang “dugyot” dahil sa mga kabundok na mga namamahong basura.
At dahil nga sa krisis sa basura, hihilingin ni Mayor Isko sa konseho sa pangunguna ng kanyang Vice Mayor na si Chi Atienza na isailalim sa state of public health emergency ang lungsod. Kasabay nito ay natuklasan din na may napakalaking utang ang nakaraang administrasyon sa dalawang kompanyang humahakot ng basura.
Kaya naman kaagad o mabilis ang aksyon ng balik posisyong alkalde at iniutos sa mga tauhan ng Department of Public Service sa pangunguna ng nagbabalik na hepe na si Kenneth Amurao, pati na ang iba pang departamento, tulad ng Engineering para tumulong sa paghahakot ng basura.
Nakiusap din si Yorme ang dating kontratista na Leonel Waste Management na tulungan muna sila sa paghahakot ng basura. Mabilis ang naging tugon ng Leonel at ang maganda ay libre muna ang serbisyong ibibigay nito.
Teka nga pala, tinawagan din ng pansin ni Yorme ang mga Barangay Chairman na makiisa naman sa kanilang paglilinis at sabihan ang kanilang mga constituents na huwag basta-basta ilabas sa lansangan ang kanilang basura hangga’t wala pang dumarating na trak.
Marami kasing pasaway na residente ang walang patumanggang magtapon sa kalsada ng basura lalu na doon sa mga lugar na tutulog-tulog sa pansitan ang mga Kabesa ng barangay.
Tiniyak pa ni Yorme Isko na simula pa lamang ito ng araw-araw na pagpapanatili ng kalinisan sa Lungsod ng Maynila na bahagi ng kanyang walang tulugang gobyerno sa kabisera ng bansa.






